GALIT na ipinakandado ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga heavy equipment at iba pang kagamitan na nakaimbak sa isang construction site na dati ay isang covered court sa kanto ng Alvarez St., at Avenida Rizal, sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang seryosong kautusan ay ginawa ni Moreno makaraan ang isinagawang inspeksiyon sa gagawing public library sa Alvarez St., na tiyempong naraanan ang nasabing construction site na walang permiso mula sa lokal na pamahalaang lungsod.
Pasado 12:00 ng tangali nang naispatan ni Moreno ang construction site sa loob ng lote na dati ay basketball covered court ng mga kabataan at satellite office ng Manila City Hall na may Day Care Center at opisina ng Senior Citizens.
Galit na sinabi ni Moreno na ilegal ang ginawang paggiba sa nasabing covered court para bigyang-daan ang proyekto ni 3rd District congressman Atty. Joel Chua.
Giit ni Moreno, walang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang nasabing proyekto at aniya walang permit ang ginawang paggiba sa estrukturang pag-aari ng City Government of Manila.
Hinanap rin ni Moreno kung saan napunta ang malalaking bakal sa ginibang covered court at sinabing iimbestigahan ang nasabing proyekto.
Inaalam kung ano ang planong estruktura sa nasabing construction site at sinisikap makuha ang opisyal na pahayag ni Chua.
Samantala, bantay sarado ng lokal na pamahalan at Manila Police District (NPD) partikular ng Police Station 3 Alvarez Sector 2 sa pamumuno ni P/Maj. Jomar Ermino ang ikinandadong construction site alinsunod sa direktiba ng alkalde. (BRIAN BILASANO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com