PADAYON
ni Teddy Brul
PINADALISAY ang pagtutulungan ng NLEX Corp., sa Department of Transportation (DOTr), Toll Regulatory Board (TRB), Department of Public Works and Highways (DPWH), mga lokal na pamahalaan (LGU) ng Valenzuela at Meycauayan, at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), upang tugunan ang panganib ng pagbaha sa ilang bahagi ng expressway.
Isinalang ng NLEX Corporation, sa isang inter-agency coordination meeting na pinangunahan ni Transportation Secretary Vince Dizon, ang 11 lugar kung saan natuklasang may mga sagabal sa daluyan ng tubig na nagdulot ng pagbaha sa Valenzuela, Meycauayan, at ilang bahagi ng NLEX.
Inilatag din ng Tollway Company ang mga hakbangin sa seguridad para mabawasan ang mga aksidente sa hanay ng mga motorista. Napagkasunduan sa kapulungan ang pangmatagalang solusyon kabilang ang pagpapatibay sa mga tulay at rehabilitasyon sa mga ilog at iba pang mga daluyang tubig.
Bilang suporta sa inisyatiba, magtatalaga ang NLEX ng hindi kukulangin sa 120 tauhan araw-araw, kasama ang mga kagamitan gaya ng amphibious backhoe, backhoe sa barge, boom trucks, dump trucks, at generator set, sa lahat ng itinalagang lugar upang mapabilis ang trabaho at mapahusay ang daloy ng tubig bago pa man dumating ang masamang panahon.
Nagpasalamat ang Officer-in-Charge ng NLEX at Chief Financial Officer ng MPTC sa DOTr sa pangunguna nito sa inisyatiba at sa pagsasaalang-alang sa mga mungkahi ng expressway para sa agarang solusyon sa pagbaha.
“These initiatives are part of our continued commitment to providing safe and passable expressways, especially during severe weather conditions,” pagpupunto ni Luis S. Reñon, Officer-In-Charge ng NLEX Corporation.
Upang mapabuti ang proteksiyon laban sa pagbaha sa kahabaan ng network ng mga expressway nito, pinalakas ng NLEX Corporation ang intensity ng multi-layered flood control defense nito bukod sa mga clearing operations.
Ang NLEX Corporation ay isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MOTC) o ang toll road na kaagapay ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC).
Ang magkatuwang na pagsisikap ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at stakeholders upang tugunan ang flood mitigation ay naglalayong magbigay sa mga motorista ng mas ligtas, mas maginhawa, at mahusay na karanasan sa paglalakbay sa expressway.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com