MAGIGING bahagi ang Bureau of Fire Protection (BFP) para magbigay seguridad sa ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa 28 Hulyo, huling Lunes ng buwan.
Ito ang inihayag kahapon ni Fire Director Jesus Fernandez sa isinagawang Meet the Press sa national headquarters ng BFP sa Quezon City.
Sinabi ni Fernandez, ilang mga bombero sa Metro Manila ang magsisilbing augmentation ng Philippine National Police (PNP) at mga sundalo sa pagbibigay seguridad sa mga lugar at sa paligid ng Batasan Pambansa complex.
Inaasahang daragsain ang SONA ng mga militante at iba pang mga cause-oriented groups ang Ever Gotesco sa Commonwealth Avenue patungong Batasan upang ipahayag ang kanilang mga hinaing at alalahanin laban sa kasalukuyang administrasyon.
Ilang firetruck din ang mag-i-standby kasama ang mga medical team ng BFP upang agad na makatugon sa mga emerhensiya.
Samantala, hinimok ni Fernandez ang publiko na i-dial lamang ang kanilang hotline sa oras ng kagipitan para sa mabilis na pagtugon.
“Sa ating mandato, makakaasa po kayo na tumawag kayo sa ating mga fire station, andoon kaagad tayo, kahit na anong emergency po itawag n’yo po sa atin,” pahayag ng BFP chief.
Sinabi ni BFP Deputy Chief for Operations (DCO) Supt. Rico Neil Kwan Tiu na makikipagtulungan ang ahensiya sa mga mamamahayag para sa pagtataguyod ng transparency.
Binanggit din niya kung gaano kahalaga ang papel ng media sa pagpapakalat ng impormasyon na naglalarawan sa programa bilang isang mahusay na paraan para sa mas malakas na partnership. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com