KOMPIYANSA si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Nicolas Torre III sa leads ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para matiyak na makakamit ang hustisya sa kaso ng nawawalang sabungero sa lalong madaling panahon.
Ayon kay CIDG Director PBGen. Romeo Macapaz, bagamat hindi sigurado kung kailan malulutas ang kaso, hindi sila titigil sa pangangalap ng mga impormasyon na magiging malaking tulong para mabigyang linaw ang kaso.
Kasunod ito ng mga pagdulog sa kanilang himpilan ng mga naiwang kamag-anak ng mga biktima.
Ayon kay Macapaz, magiging maingat sila at hindi magpapadalos-dalos sa imbestigasyon upang matiyak na masisilip ang lahat ng impormasyon para sa mas mabilis na pagresolba sa kaso.
Tikom ang bibig ng hepe ng ahensiya sa iba pang impormasyon para hindi aniya masayang ang kanilang pinaghirapan na makatutulong sa pagsulong ng kaso.
Nagpapatuloy ang kanilang tanggapan na kumalap ng matitibay pang ebidensiya na hindi lamang nakabase sa mga salaysay at testimoniya ni alyas Totoy.
Kaugnay nito, nasa ikatlong araw na ang retrieval operations sa Taal sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) na sa kabuuan ay limang sako na pinaniniwalaang labi ng mga sabungero ang narekober sa magkakaibang araw. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com