Monday , August 11 2025
Firing Line Robert Roque

Tara, PNP, pustahan tayo!

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

MAHIRAP paniwalaan ang patuloy na paninindigan ng Philippine National Police (PNP) sa sinasabi nitong bumaba ang crime rate sa bansa sa ilalim ng Marcos administration.

Magtanong kaya sila sa mga tindahan, sa pila ng tricycle, o sa mismong mga istambay sa kanto. Walang hawak na datos ang mga ito, pero maikukuwento nila ang mga bagay na hindi sasabihin ng mga heneral: buhay na buhay ang mga krimen sa lansangan, walang takot o pakundangan, at minsan, naka-uniporme pa nga.

Isang halimbawa na ang ilegal na sugal — hindi lang basta bumalik, garapalan ang mga operator sa Southern Tagalog na para bang pagmamay-ari nila ang rehiyon.

               Sa Region 4-A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon o Calabarzon), sari-sari ang menu ng mga ilegal na pasugalan: jueteng, sakla, lotteng, EZ2 — name it!

At may pangalang ipinadala sa akin, isang umano’y kumokolekta para sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Field Offices ng PNP sa Cavite at Batangas: isang Rico Posadas.

Kung hindi pamilyar sa iyo, Brig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas, regional director sa Calabarzon, talamak daw ang pagiging pamilyar ng pangalang ito, ayon sa aking mga espiya.

Nitong nakalipas na buwan lang, tinapos ni Lucas ang 2nd Command Conference for 2025 ng PRO4-A sa Camp Vicente Lim sa Calamba, pero nilimitahan lang nila ang talakayan sa pagpapatupad ng seguridad sa araw ng eleksiyon. Ano ‘yun, sir — pantakip sa aktuwal na operasyon ng pasugalan sa rehiyon?

               Dahil sa Calabarzon, mas garantisado pa ang mga lugar ng pasugalan kaysa pagpapatrolya ng pulisya. Alam ito ng mga nasa lansangan. Alam din ng mga barangay. At siguradong alam na alam din ng mga sugarol.

Pasugalan sa Makati

Samantala, sa Makati, dalawang lugar ng saklaan ang maghapon at magdamagang nag-o-operate.

Sana lang ay maisipan ni PNP chief Gen. Rommel Marbil — na dalawang linggo pa lang ang nakararaan ay sinisi ang social media sa pagbibigay ng “impression” sa publiko na lumalala ang kriminalidad sa bansa — na mamasyal sa Reynaldo at San Antonio Streets sa Barangay Pio del Pilar sa Makati City.

Para makita niya mismo na ang saklaan ay napakalapit lang sa Ayala Avenue — ang central business district ng bansa. Siguro naman, kung makikita mismo ng sarili niyang mga mata, hindi na magiging impression lang ang lahat para sa kanya.

Ito pa ang bonus para sa ‘yo, Gen. Marbil: ang “bangka” boys na nangangasiwa sa saklaang ito ay may mga alyas na “Lando,” “Ega,” “Benjo,” at “Onad.” Kung lalabas ka mula sa iyong de-aircon na opisina ngayon mismo, baka sakaling mapigilan mo pa ang plano nilang magbukas ng ikatlong “branch” nila sa lungsod.

Siya nga pala, baka may time ka rin na bisitahin si Barangay Captain Hazel Ann Lacia at ang hepe ng Makati City Police. Dapat lang silang bigyan ng pagkakataong itanggi ang mga sinabi ng aking mga impormante — na ang mga saklaan daw na ito ay may ‘basbas’ nila.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

MMDA Bayanihan Estero Program, suportado ni PBBM

AKSYON AGADni Almar Danguilan BAHA… baha… baha… nakita naman natin na kahit saang sulok ng …

Firing Line Robert Roque

Tiktok ang bahala

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. NAKIPAGTULUNGAN ang Department of Migrant Workers (DMW) sa TikTok …

Sipat Mat Vicencio

Hoy Bato, hindi mo ka-level si Digong!

SIPATni Mat Vicencio KAHIT saan anggulo tingnan at pagbali-baliktarin man ang sitwasyon, hindi maaaring ikompara …

Firing Line Robert Roque

Katawa-tawang boksing nitong Linggo

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. DAHIL mistulang naging kalokohan lang ang boxing match nitong …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Desisyon ng Korte Suprema dapat manaig

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA TUWING may legal na isyu, ang daming nagsasalita. May mga …