HATAWAN
ni Ed de Leon
NGAYON lang yata muli tinitingnan nang husto ng gobyerno ang entertainment industry. Matagal na kasi na parang walang pakialam ang gobyerno sa entertainment at sa pelikula. Kumukuha lamang ng taxes mula sa industriya.
Maging iyang nakukuhang amusement tax sa panahon ng festival, noong araw ibinibigay ng buo sa Mowelfund. Ngayon maliit na bahagi na lang ang naibibgay sa Molwelfund dahil ibinibigay na nila ang kita sa iba’t ibang grupo kabilang na ang ilang ahensiya ng paamahalan kagaya ng Optical Media Board at maging ang social fund ng Presidente ng Pilipinas.
Bukod doon may kinukuha pang cash gifts para raw sa mga opisyal ng MMDA na tumulong sa pagdaraos ng festival.
Noong araw ang nagpapatakbo ng festival ay ang industriya at donor lamang ang MMDA ng taxes na nakukuha sa sampung araw na festival. Noon ang First Lady Imelda Romualdez Marcos na siyang over all chairman ng festival at governor ng Metro Manila ang nag-aabono sa lahat ng gastos. Kaya magandang naidaraos ang festival noon. Ang layunin kasi noon ay magdaos lamang ng isang maganda at maayos na festival para sa kasiyahan ng mga tao. Ngayo ang festival ay hindi na lamang money making project para sa industriya kundi money making project na rin para sa mga tao.
Pero ngayon mukhang napansin uli ng gobyerno ang entertainment industry. Nakikipagtulungan ang First Lady Liza Araneta Marcos sa ilang lider ng industriya at inlay kung paano nga ba makatutulong ang gobyerno sa naghihingalong industriya ng pelikula.
Ang industriya kasi ng pelikula sa ating bansa ay na-overtake ng technology. Hindi tayo nakapaghanda sa pagpasok ng digital technology. Hindi natin nasabayan ang paggamit ng CGI ng mga dayuhang kompanya kaya mas napapadali nila at mas nagawang cost effective ang paggawa ng pelikula.
Naunahan na tayo ng mga bansang India at South Korea sa paggawa ng pelikula dahil sinuportahan ng gobyerno at ibang indusrty sa kanila ang motion picture production, samantalang ang bang producers na kinakapos sa pera ay kailangang umutang sa patubuan.
Sa kanila, ang mga pelikula ay tinutulungang maipadala sa mga marketing festival para maibenta sa abroad at mapalawak ang kanilang market na hindi ginagawa at natigil sa Pilipinas.
Sa isang forum na invited ang aktres na si Vilma Santos, binuksan niya ang usapin kung paano noong araw ang Department of Foreign Affairs ay nakatutulong sa pamamagitan ng mga trade attache ng Pilipinas na mai-market ang ating mga pelikula.
Sa pagdaan ng panahon nawala na ang suportang iyon.
Noong araw ang Experimental Cinema of the Philippines ang nagsimula ng pagka-catalogue ng mga klasikong pelikulang Filipino baboon din ang restoration ng mga pelikula. Pero nawala ang ECP, wala nang sumalo. Pinabayaan ding masira ang Manila Film Center na naroon ang tanggapan ng ECP at ang archive’s niyon. Pinasok sila ng tubig dagat kaya hindi na nadagdagan, nasira pa ang mga pelikulang naipa-restore na nila.
Lately puro mga pribadong samahan ang gumagawa ng restoration na ang gastos ay umabot ng milyon pero hindi naman mapagkakitaan. Ipini-preserve lamang ang ating mga klasikong pelikula para mapanood at mapag-aralan ng mga susunod pang henerasyon.
Ngayon sinasabi aasikasuhin ng first lady ang restoration ng mga klasikong pelikula at marami ang naniniwala na kung magtutulungan, maibabalik natin ang sigla ng pelikulang Filipino at tayo ay muling mangunguna sa Asya kagaya noong araw.