Porto Santo Island, Portugal — Si Pinoy International Master (IM) Chito Danilo Garma ay nakapagtala ng mahahalagang panalo upang makabalik sa kontensiyon matapos ang ikasiyam na round ng 32nd FIDE World Senior Chess Championship noong Martes, 26 Nobyembre 2024, sa Hotel Baleira, Porto Santo Island, Portugal.
Natalo ni Garma si FIDE Master Richard Vedder ng Netherlands sa loob ng 40 galaw gamit ang Ruy Lopez Opening at puting piyesa, na nag-angat ng kanyang puntos sa 5.5 para makihati sa ika-12 puwesto sa kategoryang 50 pataas, sa Standard Time Control na format.
“Masaya ako sa naging performance ko ngayon. Sisikapin kong manalo sa huling dalawang laban para magkaroon ng tsansa sa Top 10 sa Standard Time Control format,” sabi ng 60-anyos na si Garma na taga-Sampaloc, Maynila.
Nauna nang nagkampeon si Garma sa Blitz Time Control format.
Sa kategoryang 65 pataas, parehong nanalo sina FIDE Master Mario Mangubat at International Master Jose Efren Bagamasbad laban sa kanilang mga katunggali, na nag-angat ng kanilang puntos sa 5.0 para makihati sa ika-25 puwesto.
Natalo ng 66-anyos na si Mangubat, mula sa Minglanilla, Cebu, si Pal Magnussen ng Sweden, habang pinabagsak ng 68-anyos na si Bagamasbad, mula sa Camarines Norte, si Christian Weiss ng Germany.
Nanalo si Mangubat sa Rapid event ng kategoryang 65 pataas at mag-uuwi rin ng tansong medalya sa Blitz format.
Makahaharap ni Garma si IM Josep Anton Lacasa Diaz ng Spain sa ika-10 round (Miyerkoles0, habang si Mangubat ay matatapat kay Moshe Gal ng Israel, at si Bagamasbad laban kay FIDE Master Rolf Bergstrom ng Sweden.
Ayon kay NM Almario Marlon Bernardino, Jr., pinuno ng delegasyon ng Filipinas at nagsisilbing coach, kompiyansa siyang magpapakita ng magandang laro ang mga Filipino chess player sa huling dalawang rounds.
Ang kampanya ng mga Pinoy chessers ay suportado ng Philippine Sports Commission sa pangunguna ni Chairman Richard Bachmann, Commissioners Edward Hayco, at Olivia “Bong” Coo, pati na rin ng National Chess Federation of the Philippines Chairman/President na si Cong. Prospero Pichay Jr., CEO/Executive Director GM Jayson Gonzales, at Philippine Amusement and Gaming Corporation Chairman Alejandro “Al” Tengco. (MARLON BERNARDINO)