FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko sa puting Cadillac na may protocol plate “7” na dumaan sa EDSA Busway. Huwag sana nating kalilimutan ang insidenteng iyon na hindi lamang tungkol sa simpleng pagpapasaway, kundi tungkol sa pagyayabang ng pribilehiyo.
Matatandaang ang luxury vehicle ay natukoy na pagmamay-ari ng Orient Pacific Corp., na iniuugnay sa pamilya Gatchalian. Desmayado ako sa naging sagot ni Sen. Sherwin Gatchalian nang usisain siya ng mga mamamahayag.
Ipinagkibit-balikat lamang niya ito, sinabing “leave it at that” dahil tinutugunan na nga raw ng Land Transportation Office ang usapin. Ang trabaho ng LTO ay magpataw ng multa at siguruhing mananagot ang mga lumabag sa batas trapiko.
Pero hindi ito tungkol lamang sa mga batas trapiko; isa itong pagpapakita sa publiko na may iilan na lantarang nagpe-flex ng kanilang impluwensiya at malayang nakalulusot sa gusot. Kaya naman ang naging sagot ng senador ay lubhang nakadedesmaya.
Kinabukasan, naglabas ng pahayag si Sen. Gatchalian, sinabing hindi niya ipinagagamit sa iba ang sarili niyang protocol plate. Ipinahihiwatig nito na ang plakang ginamit ng kompanya ng kanyang kapatid ay peke. Kung gayon, bilang isang halal na mataas na opisyal, hindi ba dapat na siya ang unang magalit at humiling na may managot sa nangyari?
Marahil parehong tinig ng pribilehiyo rin ang pumasok sa kukote ni Sen. Joel Villanueva nang sabihin niyang hindi naman dapat maging “big thing” ang insidente. Sorry, Sen. Joel, pero hindi ito simpleng tungkol lang sa paglabag sa batas trapiko.
Isa itong garapal na halimbawa ng entitlement na ipinagbabandohan ng mga pamilyang konektado sa politika — at may balidong dahilan ang publiko para magalit. Hindi nakatutulong ang pagkonsidera rito bilang “weird”; pinalalalim lamang nito ang pagkadesmaya ng publiko sa mga opisyal na dedma lang sa mga umaabuso sa kapangyarihan.
Tulfo in action
Hindi masisisi si Sen. Raffy Tulfo kung igiit niya ang masusing imbestigasyon sa maliwanag namang kawalang aksiyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Pagkatapos ng insidenteng ito, makatuwiran lang na itanong kung bakit bigla na lang missing in action ang mga motorcycle units ng ahensiya kapag mga sasakyan ng mga high-profile ang nagpapasaway.
Tama lang ang pagsususpetsa ni Tulfo na ang mga units na ito, na ang trabaho ay ayusin ang trapiko, ay ginagamit sa maling paraan bilang escort ng VIPs.
Ang mas nakababahala pa, sinabi ni Tulfo na hindi nakikipagtulungan ang MMDA sa pagbibigay ng CCTV footage upang agarang matukoy ang mga privileged na pasaway, kaya mapapatanong ka: pinoprotektahan ba ng ahensiya ang mga VIP mula sa pananagutan?
Sakaling totoo, ito ay seryosong pag-abuso sa tiwala ng publiko. Kailangang-kailangan ngayon ang mga pag-uusisang ito ni Tulfo — panahon nang ipaalala sa MMDA na ang tungkulin nito ay paglingkuran ang taongbayan, at hindi ang mga nasa kapangyarihan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).