RATED R
ni Rommel Gonzales
SA pagpirma ni Andrew Gan ng kontrata sa Viva Films at VMX, co-managed siya ng nabanggit na kompanya ni Boss Vic del Rosario at talent manager Tyrone James Escalante ng TEAM (Tyron Escalante Artists Management).
Sa TEAM ay “kapatid” niya as talent sina Jane de Leon at Kelvin Miranda, among others.
Kung tatanungin ng Viva si Andrew, ano ang first role na gusto niyang gawin?
“Gusto ko ‘yung out of the box na isang character na baliw na maraming itinatago,” umpisang pahayag ni Andrew, “na parang joker ‘yung atake na hindi ko pa nagagawa, pero may mapupulot ‘yung audience, na mai-inspire sila.”
Kaya ba niyang gumawa ng karakter na sobrang salbahe, ‘yung walang redemption, walang moralidad na character?
“Oo naman, kasi hindi ko pa nagagawa ‘yun. Isa rin sa reason na pumirma po kami ng Viva para magkaroon ng opportunity na makagawa ng iba’t ibang roles na hindi pa natin nagagawa.”
Mayroon bang role na hindi gagawin si Andrew?
“Parang wala naman siguro.”
Nakagawa na si Andrew ng mga BL o Boys Love projects dati at willing pa rin siya.
“Siguro pagdating doon sa BL parang medyo sasalain natin, na kung paano ‘yung script, kung sino ‘yung direktor.”
Sa deretsahang tanong, ano ang nais niyang mangyari sa kanyang career? Gusto ba niya, for example, maging Andrew Gan as a household name? Or maging multi-awarded actor? Andrew Gan as a great brand ambassador? Andrew Gan as someone that directors can trust? Andrew Gan na ire-recommend ng kapwa producer sa mga ibang director? O maging award-winning actor?
“Actually, you can’t please everyone, pero lahat ng sinabi niyo, gusto ko iyan,” bulalas ng aktor.
“And about the awards, bonus na lang po ‘yun. Mas gusto ko makilala bilang isang mahusay na character actor, na kahit saan mo ilagay, ‘Ah kaya niya yan!’
“So iyon po ang goal,” ang nakangiting tinuran pa ng hunky actor.
Bukod sa showbiz, negosyante rin si Andrew. Siya ang mag-ari ng ReLeaf Massage and Nail Spa sa 3rd floor Arbortowne Plaza Gen T. Karuhatan, Valenzuela City.