Saturday , November 23 2024

Delusional, kung ‘di man desperada

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

DELUSIONAL na marahil ang ating Bise Presidente, si Inday Sara Duterte, kung inaakala niyang buong init siyang tatanggapin ni Leni Robredo sa oposisyon ngayong nabuwag na ang pakikipag-alyansa niya kay Bongbong Marcos na nabuo noong 2022.

Klaro ang kampo ni Robredo — walang posibilidad ng anumang pakikipagtulungan kay Sara. Sa katunayan, may dahilan kaya hindi nagkukuwento si Sara tungkol sa pagbisita niya sa Naga, at hindi iyon dahil may mahalagang sekreto siyang kailangang ingatan.

Kung anuman, mukhang ayaw niyang magkuwento na nabigo ang pagtatangka niyang mabigyang importansiya. Kung hindi siya delusional, siya ay desperada, kapit-tuko sa mga nalalabi niyang opsiyon upang maisalba ang survival niya sa politika ngayong gumuho na ang dating solido niyang mga alyansa.

Ang ideya na si Robredo — na ang naging kampanya noong 2022 ay tumuon sa pagkombinse sa bansa na iboykot ang mapang-aping legacy ng mga Marcos na labis na nakaapekto sa imahen ni Bongbong — ay magagawang makipag-alyansa sa parehong kamay na bakal na politika ng mga Duterte ay lubhang katawa-tawa.

Para sa mga asang-asa na magkakatotoo ang ambisyon ni Inday Sara sa 2028, pasensiyahan na lang tayo, pero hindi si Robredo ang tipong papatol sa political vanity at susuporta sa authoritarianism at korupsiyon makabalik lang sa pinakamatataas na posisyon sa politika.

Hindi ‘yan mangyayari! Kakandidato si Robredo para maging susunod na alkalde ng Naga City at hindi niya kailangan ng suporta ng sinumang high-profile politician para maluklok sa puwesto.

Asal kriminal

Hindi ako tagahanga ng basketball, bagamat may mga panahong kinapapanabikan ko ang mga kampeonato sa PBA at sa UAAP.

Pero ang huling balita tungkol kay John Amores ay sobrang nakadedesmaya at nakagagalit. Isang batang player na walang dudang may talento kaya nakapaglalaro sa PBA, pero heto tayo — pinag-uusapan ang kasong attempted homicide kasunod ng insidente ng barilan dahil lang sa walang kuwentang pustahan sa laro.

Sayang na potensiyal. Maganda sana ang kinabukasan para sa kanya, pero sa halip, binalewala lang niya ito dahil sa maliitang pustahan na sinabayan ng kawalan niya ng kakayahang kontrolin ang kanyang galit — na dati nang nagpahamak at nagdulot sa kanya ng eskandalo sa NCAA noong siya ay isa pa lang estudyanteng basketbolista.

Nakagagalit din para sa akin na nag-trending pa ang kanyang asal kriminal, inagaw ang eksena na para sana kay Robert Jaworski at sa kanyang lifetime achievement award mula sa PBA Press Corps. Sa halip, ang bumandera sa mga balita ay ang panibagong kapahamakang kinasadlakan ni Amores.

Cheers para kay “Big J.”

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …