HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKATUTUWA naman ang singer na si Mariah Carey na nagpaabot ng maagang pagbati ng ‘Maligayang Pasko sa mga Filipino,’ at sinabing para lang iyon sa mga Pinoy na alam niyang nagsimula na sa pagdiriwang ng Pasko dahil September na.
Rito lang naman sa atin talaga na sa pagpasok ng September ay akala mo Pasko na. Puro mga Christmas decor na ang makikita mo sa mga mall at ang pinatutugtog na nila maging sa mga estasyon ng radyo ay Christmas songs na.
Naalala tuloy namin bigla si Richard Enriquez na noong nabubuhay pa, pagdating ng September ay may pinatutugtog nang mga Christmas song sa kanyang programa sa gabi. May isa pa siyang kuwento noon na umalis siya sa isang estasyon ng radyo dahil bawal sa kanila ang magpatugiog ng Christmas songs, isang sektang hindi nagdiriwang ng Pasko ang may-ari ng estasyong iyon.
Nagbalik doon si DJ Richard nang magsara ang ABS-CBN pero nang kunin siya ng DzBB ng GMA, lumipat siya agad dahil lamang sa Christmas songs na hinahanap ng kanyang mga tagapakinig.
“Sa radyo, ang amo namin ay ang mga taong nakikinig sa amin. Kung ano ang gusto nila iyon ang dapat na ibigay mo,” sabi pa niya noon.
Ngayon alam naming marami ang nakaka-miss kay DJ Richards, isa na kami roon, pero ang maganda naman nawala na ang aming insomnia, kasi wala na kaming pinakikinggan sa gabi.