
HATAW News Team
NAGHAIN ng notice of lockout ang Kawasaki Motors Philippines Corp. (KMPC) laban sa 289 rank-and-file union workers dahil sa unfair labor practices (ULP) kabilang ang pagsasagawa ng ilegal na welga at pagboykot sa mga aktibidad gaya ng sportsfest, anibersaryo, at mandatory overtime para makabawi sa pagkalugi ang kompanya.
Sa notice of lockout na inihain noong 4 Agosto 2025 sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB), iginiit ng Kawasaki Motors na nilabag ng 289 manggagawa ang probisyong “No Strike/No Lockout” sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na nilagdaan noong 2022 ng unyon at pamunuan ng kompanya.
Dagdag rito, sinabi ng kompanya na ibinoykot ng union workers ang tatlong opisyal na aktibidad ng kompanya noong nakaraang taon, kabilang dito ang anibersaryo noong 24 Hulyo, Sportsfest noong 15 Hunyo, at ang mandatory overtime na inihayag noong 30 Abril 2025 upang makahabol sa produksiyon.
Ayon kay Atty. John Bonifacio, external counsel ng Kawasaki, ang pagboykot sa opisyal na aktibidad ng kompanya at ang paglabag sa No Strike/No Lockout clause ng CBA ay itinuturing na unfair labor practices, na maaaring magsilbing batayan ng paghahain ng notice of lockout.
Giit ng kompanya, patuloy silang nakipag-usap “in good faith” sa unyon ngunit itinuloy pa rin ng mga manggagawa ang ilegal na welga kahit paulit-ulit na ipinaalam ng pamunuan na hindi kaya ng kompanyang tugunan ang hinihinging benepisyo dahil sa pagkalugi na dulot ng pandemya.
“We have exhausted all legal means possible to convince union workers to accept our offer and return to work, because they are disrupting operations, but to no avail,” pahayag ni Atty. Bonifacio.
Humihiling ang mga miyembro ng unyon at board of directors ng Kawasaki United Labor Union (KULU) ng 11.50% dagdag-sahod at karagdagang ₱50, ngunit iginiit ng KMPC na ang kaya lamang nitong ibigay ay 5% na umento.
Ayon kay Atty. Bonifacio, maaaring maging epektibo ang lockout sa mga union workers pagsapit ng 26 Agosto 2025, matapos makompleto ng kompanya ang lahat ng kinakailangang proseso alinsunod sa Labor Code.
Sa kabila nito patuloy na iginigiit ng KULU ang kanilang karapatang magwelga.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com