MASAYA si Ms Ai Ai de las Alas dahil patuloy na humahataw sa takilya ang Kung Fu Divas nila ni Marian Rivera sa mga sinehan at base sa pagtatanong namin sa taga-Star Cinema ay nakaka-P60-M na raw ang pelikula simula nang ipalabas ito.
“Talaga? Hindi ko alam, pero sabi nga malakas daw,” say naman ng komedyanang aktres nang dalawin namin sa taping ng Toda Max.
Tinanong naming kung bawi na ba ang puhunan ng Kung Fu Divas sa P60-M, “kung naka-P60 na, bawi na, kasi P60-M ang gastos doon,” say sa amin ni Ms A.
Samantala, tinanong namin ng diretso si Ai Ai kung totoong mawawala na ang Toda Max base na rin sa naglabasang balita dahil ang ipapalit daw ay ang sitcom nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz.
“Sabi naman nina direk Malu (Sevilla), hindi raw, ewan ko sa kanila,” kaswal na sabi ng comedy queen.
Tinanong din namin si direk Malu, “everytime naman na may bagong show, sabi tatanggalin ang ‘Toda Max’, pero heto, nandito pa rin kami. Sanay na kami sa mga ganyan at saka noong kaka-start pa lang ng ‘Toda Max’, sinabi hindi magtatagal, pero sa awa ng Diyos, heto pa rin kami,” say sa amin.
Maganda raw ang ratings ng Toda Max at higit sa lahat, maganda rin ang pasok ng commercial kaya wala raw nakikitang dahilan para mawala ito.
Sa kabilang banda, mukhang masosolo ni Ai Ai ang araw ng Sabado dahil una siyang mapapanood sa Wansapanataym simula sa Sabado (Oktubre 12) na may titulong Moomoo Knows Best kasama ang child wonder na si Izzy Canillo.
Sabi na ni Ms A, “first time kong magbida sa ‘Wansapanataym’ kaya excited ako.”
Gagampanan ng komedyana ang isang espirististang si Joanna, “swak na swak sa Halloween ang kuwento ni Joanna. Matututo at mag-e-enjoy ang TV viewers sa adventures niya, lalo na kapag nagkatotoo ‘yung mga kasinungalingan niya at nagsimula na siyang makakita ng mga multo tulad ni Kwatzy (Izzy),” kuwento nito.
Makakasama rin nina Ai Ai at Izzy sina Cherry Pie Picache, Marco Gumabao, Jojit Lorenzo, at Michelle Vito mula sa panulat ni Arlene Tamayo at direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.
Reggee Bonoan