Saturday , December 21 2024

Mga mungkahi sa susunod na DepEd chief

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BAGO pa siya manumpa sa tungkulin bilang Kalihim ng Edukasyon, dapat isaisip ni Sen. Sonny Angara na ang mga problemang gumigiyagis sa ating sistema ng edukasyon ay malalim na ang pinag-uugatan kung hindi man nagsanga-sanga na. Lumala pa, sa nakalipas na dalawang taon, dahil grabeng napolitika na rin ito.

Pero hindi sapat na simpleng tukuyin lang ang mga problema. Ang importante ay maglatag ng mga kongkretong hakbangin upang matugunan ang mga ito. Una, dapat mapanumbalik ang kalidad ng pagtuturo at ang dignidad ng mga guro. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng mas malaking suweldo, pero mas magiging mabisa kung sasabayan ng tuloy-tuloy na pagsasanay sa kanila, at pagbabawas ng iba pang gawaing administratibo upang matutukan nila ang pagtuturo.

Suriin ang dami ng mga estudyante kada klase at gawing mas maliit ito para masegurong epektibo ang magiging pagkatuto. Nakalulungkot din na ang pagsisiksikan ay hindi lamang nangyayari sa loob ng mga silid-aralan kundi maging sa curriculum. Pagtuunan na lang ang Math, Sciences, at reading comprehension — ang mga aspekto ng pagkatuto ng mga batang mag-aaral na nangungulelat tayo sa pandaigdigang pagsusuri.

At pupuwedeng pakisilip na rin ang mother-tongue mode ng pagtuturo? Kinukuwestiyon ito ng ilang eksperto, at kung pagbabatayan ang kalidad ng ating mga estudyante sa ngayon, mukhang imposibleng maidepensa ang argumentong ito. Siyempre pa, nariyan pa rin ang usapin sa malnutrisyon: upang mabilis na matutuhan ang mga aralin, dapat na laging busog at kumakain nang tama ang mga bata simula nang nasa sinapupunan pa lang sila.

Isa pa, hindi katanggap-tanggap ang kulang-kulang na impraestruktura. Ang bawat eskuwelahan ay dapat na may sapat na rami ng silid-aralan, libro, at teknolohiya. Ayusin ang ugnayan ng DepEd sa industriya ng pag-iimprenta. Gawing transparent at malaya mula sa kuropsiyon ang mga bidding.

PhilHealth funds, pinupuntirya?

Sa lahat naman ng pondo na maaaring pag-interesan, ‘yung nakalaan pa talaga sa pampublikong kalusugan? Iyan ang sinasabing nangyayari ngayon, base sa Department of Finance Circular No. 003-2024 na pumupuntirya sa pondo ng PhilHealth.

Huwag sanang kalilimutan na ang PhilHealth ang tagapagsalba ng buhay ng mga Filipino, pinopondohan ng pinagpagurang suweldo ng mga empleyado at ng mga buwis na nakalaan para magkaloob ng pangangalagang pangkalusugan para sa lahat. Bawat buwan, buong tapat tayong nag-aambag para rito, umaasa ng segurong pangkalusugan na masasandalan sa panahon ng kagipitan upang maprotektahan tayo mula sa grabeng gastusing medikal.

Gayonman, ang huling hakbangin ng gobyerno sa bisa ng DOF circular na ito ay pumopormang simutin ang pondo ng PhilHealth para mailipat sa unprogrammed funds. Ipaaalala ko lang na sinita na ni Sen. Koko Pimentel, nang may pagkabahala, ang unprogrammed funds na ito na nagkakahalaga ng P450 bilyon, na kahina-hinalang naisingit sa 2024 national budget.

Ngayon na walang bahagi sa aprobadong budget ang maaaring magpondo sa mga isiningit na ito, naisipan ng DOF na pakialaman ang pondo ng PhilHealth? Nakagagalit na habang hirap ang marami sa atin na makabayad sa hospital bills at medical emergencies, tina-target naman ng gobyerno ang ating pondong pangkalusugan para ilaan sa mga walang pahintulot na gastusin nila.

Kahit pa may ekstrang pondo ang PhilHealth, hindi ito nakalaan para maging piggy bank ng mga politiko. Sa halip, dapat na dagdagan ng gobyerno ang subsidiya nito sa PhilHealth para mas mapabuti at maitaas ang coverage. Sa kasalukuyan, maliit na bahagi lang ng aktuwal na gastusing pangkalusugan ng mamamayan ang sinasagot ng PhilHealth, kaya problemado pa rin ang mga Filipino sa sangkaterbang gastusin sa pagpapagamot.

Kapag tayo ay nagkasakit o naospital, nasa atin ang lahat ng karapatan upang igiit ang mas mahusay na seguro – hindi iyong hahabulin pa natin ang pondong inilipat sa mga proyektong ibinida ng mga oportunistang politiko.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …