ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MAY nasagap kaming tsika na ang mga naglalakihang Vivamax movies na isinulat ni Direk Darryl Yap noong pandemic ay hindi na niya maaaring gawin.
Balita nga namin ay ipinasa na ito ng kontrobersiyal na direktor sa mga kaibigan sa industriya. Na, dahil nga sa pagbabago ng kontrata ni Direk Darryl sa Viva, hindi na ito maaaring gumawa ng pelikula sa Vivamax.
Kaya naman nalungkot ang mga nakaaalam ng mga naglalakihang proyektong nakalinya niya sanang gawin. Kabilang dito ang Chuchu, na sa kauna-unahang pagkakataon ay magpapakita ng nakaeeskandalong papel ng simbahan noong panahon ng Hapon.
Ayon sa aming source, may sex scenes daw dito na madre sa madre at marami pang iba, kakaiba raw ito dahil period movie at ayon sa nakabasa ng script, napakahirap gawin dahil napakalalim na Tagalog ang ginamit ni Direk Darryl.
Anyway, ang Chuchu ay napunta sa kanyang Assistant Director na si Direk Roanna Mercado na isa rin sa pinakamalalapit na kaibigan ni Direk Darryl. Bagamat naging Gawad Urian nominee na noon si Direk Roanna para sa kanyang shortfilm, ito ang kanyang debut sa mainstream.
Isang malaking hamon ito dahil lahat ng likha ni Direk Darryl, mapasine o streaming ay patok at talagang pinag-uusapan.
Inaabangan din kung kanino naman mapupunta ang apat pang naisulat ni Direk Darryl na “Libay” na tungkol sa babaeng may sungay; Super Hero Sex, na isang fantasy; Pornstar3, na finale ng Trilogy; at Ahonera na isang sex comedy naman.