RATED R
ni Rommel Gonzales
MATAPOS mahinto ang taping nila noong September 2021 dahil nagdalang-tao si Jennylyn Mercado(kay Baby Dylan na anak nila ni Dennis Trillo) ay tuloy-tuloy na ang balik-taping ng Love. Die. Repeat na bagong drama series ng GMA na isa sa mga cast members ay si Samantha Lopez.
“Ako si Florence, mother ako ni Jennylyn Mercado,” pagpapakilala ni Samantha sa kanyang karakter.
Unang beses itong gaganap si Samantha bilang isang ina sa isang proyekto.
“Na adult na ‘yung anak ko.”
Ano ang pakiramdam maging nanay ng isang Jennylyn Mercado sa isang TV project?
“Ay, honored,” bulalas ni Samantha. “Napakabait na bata, one of my favorite actresses.
“Magaling, mabait, generous,” papuri pa ni Samantha kay Jennylyn.
At isa si Jennylyn sa mga reyna ng GMA at isa sa mga top actresses ng Pilipinas, banggit namin kay Samantha.
“Hindi siya ganoon kapag kasama mo, hindi niya ipinararamdam na, ‘Ay sikat ako, big star ako!’
“Hindi. Napaka-down-to-earth.
“At saka mommy talaga ang tawag niya sa akin, kaya anak din talaga ang treatment ko sa kanya.
“And we share the same passion, nagpi-Pilates kami pareho,” nakangiting kuwento pa ni Samantha.
Maraming eksena na silang nakunan ni Jennylyn sa serye.
“Mahihirap! Drama-drama. Challenging, mahirap umiyak.”
Hangang-hanga si Samantha sa kahusayan ni Jennylyn bilang aktres.
“Dyusko siya, Dyusko isang ganoon lang umiiyak na! Galing!”
Biro tuloy ni Samantha, mas gusto talaga niyang kapag kontrabida siya dahil hindi siya kailangang umiyak sa maraming eksena.
Hindi siya kontrabida sa serye.
“Salbahe pero drama, may iyakan, asawa ko si Nonie Buencamino. Hello, ang galing din,” kuwento pa rin ni Samantha.