Wednesday , December 25 2024

Puro tahol, ‘di naman nananakmal

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

NABUNYAG sa pagbabanta ni dating pangulong Rodrigo Duterte kay teachers partylist group Rep. France Castro ang kanyang nakababahalang kayabangan na maitutulad sa mga naging pahayag niya noong kasagsagan ng tokhang, na gusto niyang mamatay ang mga tulak ng droga.

Pero, kasabay nito, mapaalalahanan sana siya na wala na siya sa puwesto, at kahit pa nasa posisyon pa siya, wala siyang karapatang diktahan ang magiging kahihinatnan ng buhay ng isang tao.

Kaugnay nito, ang pasya ni Castro na maghain ng reklamong kriminal ay paninindigan sa prinsipyong walang karapatan ang sinuman na gumamit ng impluwensiya upang pagbantaan ang buhay ng iba. Hindi lamang ito tungkol sa iisang tao. Tungkol ito sa pagbibigay-tuldok sa kultura ng impunity, o kawalang pananagutan sa batas, na matagal nang talamak sa ating lipunan.

Samantala, ang pagtatangka ni Duterte na makialam sa mga desisyon ng Kamara de Representantes ay walang kaugnayan sa interes ng publiko, gaya ng ginagawa niya noong siya pa ang presidente. Ngayon, isa na lamang itong cheap at walang kuwentang pagtatangkang awayin ang mga kongresistang nagkaisa na pagkaitan ng confidential and intelligence funds ang kanyang anak.

Sa pagkakataong ito, walang sinuman ang pumronta upang ipagtanggol ang mga Duterte — kahit man lang sa mga nakapuwesto ngayon sa gobyerno, na kahit paano ay may bigat ang opinyon. Sa word war na ito, lamang si Castro.

Cucurroocu-coup

Sa gitna ng mga pagbabanta ni Duterte, sa pagtatangka niyang manatiling may impluwensiya, naulinigan ng Firing Line ang ilang bulung-bulungan nitong weekend.

Ilang retiradong heneral umano ang may delikadong ideya ng pagkakasa ng kudeta, isang desperadong plano na patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at ipalit ang anak ni Duterte, si Vice President Inday Sara. Pero ang nakapagtataka, bakit ngayon pa? Ngayong tuloy-tuloy na nanlalabo ang impluwensiya ni poong Digong sa pambansang politika at kasabay nito, dumadausdos ang nasasarbey na popularidad ni Sara, na pinatunayang hindi siya karapat-dapat maging kalihim ng DepEd — nang may daang milyong pisong sekretong pondo — hindi ako naniniwala!

May ilang nagsasabi na gusto raw ng mamamayan na magbalik sa Malacañang ang Duterte dynasty dahil paborito daw nila ang militar at pulisya. Totoo namang inulan ng pabor ang mga institusyong ito noong panahon ni Duterte.

Gayonman, iba ang pananaw ng kasaysayan. Ang Pangulong Marcos noon at ang President Junior ngayon at ang kanyang administrasyon ay parehong inaasinta na laging maging kontento ang mga sundalo at pulis. Si Mr. Bongbong ay mayroong katulad ni Defense Secretary Gibo Teodoro na nagsusulong ng modernisasyon ng sandatahan. Ang desisyon niyang pumanig muli sa Amerika mula sa dating pagpanig ni Duterte sa China ay nagresulta sa produktibong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) gamit ang ilang pasilidad ng militar. At huwag nating kalilimutan na pinigilan ng administrasyong ito ang pagkakaltas ng mga pensiyon at benepisyo ng military and uniformed personnel (MUP) – kahit hindi mapaninindigan; gayondin ang pagkampi sa Philippine National Police sa kabila ng malawakang kapalpakan at pagkakaugnay sa ilegal na droga.

Isa pa, may alas din ang administrasyong Marcos: ang kapangyarihang bigyan ng go-signal ang International Criminal Court. Kung sinuman sa kampo ng mga Duterte ang magtangka at mabigo sa pagkukudeta, posibleng bigyang kalayaan na ang ICC na litisin ang nakatatandang Duterte para sa crimes against humanity.

         Ang isang kudeta, sa kasalukuyan, ay isang malaking sugal na magtataya sa natitirang kapangyarihang politikal ng mga Duterte. Pero sa pangkalahatan, isa itong cancer na ayaw na ng Filipinas na magbalik pa. Ang puwersahang pagkakamit ng kapangyarihan ay hindi kailanman nagdulot ng kabutihan para sa lahat.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …