IPINABABALIK ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa posisyon ang pulis na sinibak matapos mag-viral ang ginawang pagpapasara sa ilang bahagi ng Commonwealth Avenue dahil sa sinasabing daraan si Vice President Sara Duterte.
Inilinaw ng kampo ni Duterte, nasa Mindanao ang VP nang maganap ang pagpapasara sa kalsada na naging sanhi ng trapiko sa Commonwealth Avenue.
Ang panawagan ni Belmonte sa pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ay matapos siyang malinawan sa paliwanag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Romando Artes na ang pagbibigay ng kortesiya sa mga pampublikong lansangan sa mga VIP ay normal lamang. Kabilang ang bise presidente sa mga VIP sa bansa.
Ayon kay Belmonte, hindi siya agad na nagbigay ng komento nang sibakin ng QCPD si Executive Master Sergeant Verdo Pantollano dahil sa paniwalang mali ang ginawa nito.
“Kasunod ng paglilinaw na ginawa ni Chairman Artes, nararamdaman ko na isang ‘injustice’ ang ginawa laban kay Pantollano at dapat ituwid, kahit sino pa ang VIP,” pahayag ni Belmonte.
“Dapat ibalik ang pulis dahil ginagawa lang niya ang kanyang trabaho,” diin ng alkalde. (ALMAR DANGUILAN)