UMABOT sa mahigit P41 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakompiska at 817 drug suspects ang nadakip sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga ng Quezon City Police District (QCPD), iniulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay QCPD Director P/BGen. Redrico A. Maranan, ang operasyon ay resulta ng mga isinagawang serye ng buybust operation sa 3rd quarter ng 2023.
Sa talaan ng QCPD, umabot sa 458 ang isinagawang anti-drug operations mula sa iba’t ibang police stations at units ng pulisya na nagresulta sa pagkakakompiska ng 5,699.72 gramo ng shabu, 18,442.13 gramo ng marijuana, at 158 gramo ng Kush or high-grade marijuana.
Nanguna sa operasyon na may pinakamataas na nakumpiskang droga ang Novaliches Police Station (PS 4) sa ilalim ni P/Lt. Col. Jerry Castillo, na may 74 drug personalities ang nadakip habang aabot sa halagang P9,363,399.60 illegal drugs ang nakompiska.
Sumunod ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamumuno ni Officer-In-Charge P/Maj. Wennie Ann Cale, na may 29 drug peddlers ang naaresto habang nakasamsam ng P8,851,200 halaga ng shabu at marijuana.
Ang Kamuning Police Station (PS 10) naman sa ilalim ni P/Lt. Col. Robert Amoranto ay nakakompiska ng P4,017,304 halaga ng droga habang 78 drug suspects ang nahuli.
Habang ang Talipapa Police Station (PS 3) na piumunuan ni P/Lt. Col. Morgan Aguilar ay nakadakip ng 53 drug suspects at nakasamsam ng P3,962,680 halaga ng illegal drugs.
May 55 drug peddlers at P3,628,304 halaga ng shabu ang nakompiska ng Batasan Police Station 6 sa ilalim ni P/Lt. Col. Paterno Domondon, Jr.
“I would like to extend my heartfelt gratitude to our Mayor, Hon. Joy Belmonte, and the Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council for their support and guidance in our campaign against illegal drugs. I can say that we are winning the war against illegal drugs because of these mutual coordination and support,” ayon kay PBGen Maranan.
“Lubos din po ang aking pasasalamat sa mga mamamayan sa Lungsod Quezon na nakikiisa sa ating kampanya laban sa ipinagbabawal na droga. Ang mga impormasyong kanilang isinusuplong sa aming himpilan ay isang malaking tulong para magampanan namin ang aming tungkuling panatilihin ang kapayapaan at kaligtasan ng komunidad,” dagdag ng hepe ng QCPD. (ALMAR DANGUILAN)