Thursday , December 26 2024

SIM law, ‘di napipigilan ang scammers

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

ANG nabunyag kamakailan na nagawang makapagparehistro ng National Bureau of Investigation (NBI) ng SIM card gamit ang retrato ng isang unggoy ay isang katawa-tawang pagbubuking sa palpak na kalagayan ng SIM registration sa Filipinas. Mistulang naka-bull’s eye ang tinaguriang Father of Philippine Cybersecurity, si Engr. Allan Cabanlong, nang binatikos niya ang inapurang implementasyon ng SIM registration.

Ang pagmamadali ni Information and Communication Technology Secretary Ivan John Uy sa implementasyon ng SIM registration law nang hindi iniuugnay ang mga database ng telco at ng gobyerno ay nagresulta sa isang patawang sistema. Anong silbi ng pagkompirmang may mga scammer na gumagamit ng rehistradong SIM cards kung wala namang paraan upang matukoy ang pagkakakilanlan nila gamit ang database ng pamahalaan?

Tama lang na pagpaliwanagin ni Senator Grace Poe ang mga telcos. Nasaksihan natin ang paglala ng mga text scams at mga krimeng gumagamit ng mga rehistradong SIMs, na nagpamukhang toothless paper tiger sa ating SIM Registration Law.

Dapat mamuhunan ang gobyerno sa isang lubusang ipinatutupad na national ID system na may biometrics, gaya ng iminungkahi ni Ariel Tubayan ng Globe Telecom. Kung ayaw nating mang-hunting ng mga magnanakaw, scammers, at iba pang kriminal na nakapagtatago sa likod ng mga retrato ng pusa, elepante, at unggoy.

Ibasura ang CIF ng OVP, DepEd

Ayon sa isang dating Senate president, ang eksklusibong access sa Confidential and Intelligence Funds (CIF) ay dapat na ipaubaya na lamang sa mga ahensiyang direktang sangkot sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan. Sang-ayon ako riyan.

Madali na lang para sa mga ahensiyang nakatokang tiyakin ang ating pambansang seguridad na ilahad sa Presidente at Bise Presidente ang kanilang mga operasyon. Hindi na kailangan pang maglaan ng intelligence funds sa mga tanggapang tulad ng OVP at DepEd, na wala namang direktang koneksiyon sa pambansang seguridad.

Ito ay usaping fiscal responsibility at pagsisigurong ang pondo ay ilalaan lamang sa pinakamahahalagang bagay. Panatilihin nating simple at estratehiko ang CIF, at iwasang sayangin ito sa mga hindi kinakailangang pagpopondo. Lalo na at sa usapin ng pambansang seguridad, napakaimportante ng pagiging estrikto at eksakto.

NSC nakatutok sa TikTok?

Marahil nabasa na ninyo ang plano ng National Security Council (NSC) na i-ban ang TikTok sa dahilan ng pambansang seguridad, dahil ang kompanya sa likod nito ay ang Byte Dance, na nakabase sa Beijing.

Naiintindihan ko ‘yung paranoia, pero ang nakatatawa ay ‘yung ipagbabawal natin ang TikTok, pero pinapayagan naman ng ating gobyerno ang pagtatayo ng mga Chinese Telco towers at casinos malapit sa ating mga military installation. Hindi ba para naman ‘yung pagkakandado sa unahang pintuan habang pinapanatiling bukas na bukas ang mga bintana?

Kaya habang pinag-iisipan ng NSC na ipagdamot online ang ating mga galawan sa pagsasayaw at mga recipe secrets, huwag sana nitong kalimutang silipin ang mga posibleng paglabag sa ating mahahalagang impraestruktura na ‘di hamak na nagbibigay ng mas malinaw at mas agarang panganib sa ating national security.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …