FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
ANG hindi maipagkakailang isyu ng mababang pasuweldo sa mga nurses sa Filipinas ay nangangailangan ng reality check. Sinasabing nasa 40-50 porsiyento ng mga nurses ang umalis na sa trabaho nilang may napakababang pasahod, lalo sa mga pribadong ospital.
At ang plano ng Department of Health (DOH) na gamitin ang serbisyo ng mga hindi lisensiyadong nurses para punan ang malaking kakulangan sa mga pampublikong ospital ay nagbibigay-diin sa mas malalim na problema: ang kawalang kakayahan ng gobyerno na lumikha ng mga uubrang oportunidad para sa mga nurses. Ang panukalang solusyon ng DOH — pagkakaloob ng temporary license sa mga kamuntikan nang umabot pero hindi man lang naging pasang awa — ay para bang paglalagay ng Band-Aid sa malaking sugat.
Binigyang-diin ng resulta ng bagong survey ng Capstone-Intel Corporation ang agarang pangangailangang ito. Natukoy sa poll nito noong 1-10 Agosto na sumasang-ayon ang 83 porsiyento ng mga Filipino na payagan ang mga unlicensed nurses na magsilbi sa mga healthcare facilities sa ilalim ng superbisyon ng mga lisensiyado. Animnapu’t siyam na porsiyento ng mga sinarbey ang naniniwalang de kalidad ang magiging trabaho, habang 83 porsiyento ang naniniwalang mas madali nang ipasa ang board exam kung sumabak na sila sa aktuwal na trabaho.
Gayonman, ipinagsisigawan lamang ng mga bilang na ito ang hindi na maiitanggi pa: wala talagang tunay na pagpapahalaga sa propesyong ito, kaya naman pinipili ng mga licensed nurses na magtrabaho sa ibang bansa. Target ng gobyerno na mag-hire ng 4,500 unlicensed nurses sa pamamagitan ng DOH, na makabubuti naman, sa aspekto ng pagbibigay ng trabaho. Pero mali pa rin ang pinanggagalingan ng planong ito, na nambabalewala sa tunay na problema — ang kulang na pasuweldo sa ating mga bayaning healthcare workers.
Bagamat walang masama sa intensiyon ng DOH, panandalian lang ang estratehiyang ito. Sa halip na kunin ang serbisyo ng mga hindi lisensiyado, dapat lumikha ang gobyerno ng sitwasyon kung saan hindi na kailangan pang magdusa ang mga kalipikadong nurses kumita lang nang sasapat sa kanilang mga pangangailangan. Panahon nang mamuhunan ang gobyerno sa mga nurses at gawing prayoridad ang kanilang kapakanan, kung ayaw nating patuloy na duguin ang ating sektor pangkalusugan.
Ingat sa shellfish
Sa kabila ng payapang kagandahan ng karagatan ng Panay Island, may hindi nakikitang panganib na nangangailangan ng ating atensiyon at pag-iingat sa ngayon: red tide! Seryosong bagay na ito kasunod ng biglaang pagkamatay ng isang batang lalaki matapos kumain ng tahong.
Ang trahedyang ito ay isang nakatatakot na paalala tungkol sa nakababahalang banta ng red tide. Ang pagbubunyag na naapektohan na ng natural phenomenon na ito ang 10 lugar sa Panay Island ay nagbubunsod ng mahahalagang katanungan. Bakit kailangan pang magbuwis ng buhay ang isang bata bago aksiyonan ng mga kinauukulan ang problema? Dapat na kumilos ang pamahalaang lokal at ang mga kinauukulang awtoridad, hindi lamang bilang pag-aksiyon sa mga paabiso kundi bilang proactive guardians ng pampublikong kaligtasan.
Para naman sa publiko, mga residente man o dumarayo sa mga dalampasigang ito, pakinggan natin ang panawagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na huwag munang kumain ng shellfish. Buong pagkakaisa nating igiit ang transparency, agarang pag-aksiyon, at seryosong pagsisikap upang maiwasang may mapahamak. Nakasalalay dito ang kaligtasan ng maraming buhay.
Tigilan ang pag-abuso sa bata
Sa isang matapang na deklarasyon, nais ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tapusin na ang pagkukubli sa dilim ng pang-aabuso sa bata. Upang matuldukan ang matagal nang pananahimik, binigyang-diin nito ang importanteng tungkulin ng Makabata Hotline 1383.
Itinatag ng Council for the Welfare of Children (CWC), ang hotline ay armado ng kapangyarihang tuldukan ang katahimikan. May paglalarawan ang tagapagsalita ng DSWD na si Romel Lopez: “Isang hotline na hindi lamang mga numero, kundi lifeline para sa mabilisang pag-aksiyon.”
Isa itong lugar kung saan may kasagutan ang mga pag-uusisang legal, may boses ang suportang emosyonal, at nakasusumpong ng tagapagtanggol ang mga karapatang pambata. Hindi lamang ito isang hotline; isa itong sentinel. Dahil sa estratehiyang alyansa ng CWC, ng mga non-governmental allies, at ng mga ahensiya ng gobyerno, ito ay naging isang nakatatakot na armas laban sa mga pang-aabuso na ginagawa sa gitna ng dilim.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).