Thursday , December 26 2024

Ang sanctions na gigising sa nahihimbing na halimaw

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

KUNG bubuksan lang ng mga Filipino ang ating paningin at sisipatin ang bansang kanugnog ng ating bakuran upang makita ang kasalukuyang sitwasyon ng China, hindi masisilayan ang sinasabing hindi kailanman matitinag na economic “Superpower,” gaya ng pinaniniwalaan ng marami sa atin.

Oo, totoong makapangyarihan ang China. Pero pinanghihina ng mga problemang pang-ekonomiya ang political muscle nito. Ito ang dahilan kaya ginagamit ngayon ni Chinese President Xi Jinping ang pagmamahal sa bayan bilang estratehiya sa pagkalap ng suporta sa gitna ng nananamlay na ekonomiya ng kanyang bansa.

Dumadausdos ang ekonomiya ng China dahil sa iba’t ibang bagay, gaya ng deflation, usapin sa real estate, at tumatandang populasyon. Ayon pa nga sa insiders sa mainland, ang paghina ng ekonomiya nito ang nag-udyok sa liderato ni Xi na ipangalandakan ang kapangyarihan ng sandatahan nito — upang ma-distract ang buong mundo!

Tingnan nating halimbawa kung paanong sa kabila ng mga problema ng kanilang bansa, pinapaigting naman ng China ang paghahari-harian nito sa South China Sea; gumagawa ng problema para sa mga bansa sa Asya na gaya nito ay may inaangkin din sa napakalawak na teritoryong pangkaragatan; at nagiging agresibo na, tulad ng pagpuntirya ng water cannons sa mga barko ng Filipinas.

Ang lahat ng nangyaring ito — pawang walang pambubuyo mula sa panig ng Filipinas, na ilang dekada nang pinapanatili ang regular na presensiya sa West Philippine Sea — ay pagpapakita nga lang ba ng Beijing na paninindigan na lang nito ang pagiging bully? Pero, President Xi, hindi habambuhay na mapagtatakpan ng matapang na pagpapakita ninyo ng pagiging agresibo ang problemang pang-ekonomiya ng inyong bansa.

         Sa totoo lang, hindi kaaway ng mga Filipino ang mga mamamayang Chinese. Pero dahil sa estratehiyang ito ng “nasyonalismo” na pakana ng kanilang gobyerno, napapaisip tuloy ang mundo kung plano ba ni President Xi na magkaroon ng away sa mga kalapit-bansa nito sa Indo-Pacific. Tingnan na lang kung paano tinatrato ng Chinese Communist Party ang mga kababayan nila sa Taiwan.

Ito ang malaking problema sa pamumunong politikal na kinatawan ni President Xi: determinado ang kanilang gobyerno na gumamit ng “hard power” sa pakikisama sa kapwa bansang Asyano, partikular na ang Filipinas. Ito ang sinasabi ni retired Rear Admiral Rommel Jude Ong, isang military strategist, na isinasakatuparan ng China sa pamamagitan ng mga agresibong aksiyon ng mga coast guard at militia vessels nito sa West Philippine Sea.

         Gayonman, nagbabala ang mga pandaigdigang geopolitical scientists na ang pagpapataw ng karagdagang West-driven sanctions sa China ay maaaring makagising sa nahihimbing na halimaw. Bagamat maaaring totoo ang problemang pang-ekonomiya ng China, ang mga panggigipit na ginagawa nila sa South China Sea ay mistulang naka-steroids sa ngayon.

Kasabay ng pananamlay ng ekonomiya ng China dahil sa sari-saring dahilan, tumataas naman ang panganib ng pandaigdigang krisis pang-seguridad, ayon sa mga analysts. Anila, ang hindi natitinag na paninindigan ng rehimen ni Xi — marahil, siksik sa diktadurya at pagyayabang — ay nagtulak sa kanila sa isang sulok kung saan pupuwede ang pagsiklab ng marahas na reaksiyon kung papatawan sila ng mas marami pang Western sanctions.

Pabor naman sa atin na nitong weekend lamang, nagkakaisang nanindigan ang Amerika, Japan, at South Korea laban sa “dangerous and aggressive behavior” ng China sa South China Sea. Hindi na sila nagpaligoy-ligoy pa; isa iyong deretsahang paninita sa kaangasan ng China.

May sariling pakitang-gilas din ang Armed Forces of the Philippines! Nagbabala ang AFP sa China: Tantanan n’yo ang BRP Sierra Madre at ang rotation at resupply missions ng Filipinas sa Ayungin Shoal, kung saan nakaestasyon ang nabubulok nating barkong pandigma.

Ang napakalinaw na mensaheng ito ay ‘yung tipong hindi tatangkaing hamunin ng China maliban na lang kung gusto nitong masampolan ng mutual defense treaty ng Filipinas sa Amerika.

Sino ngayon ang halimaw na pinangangambahang maalimpungatan at umatake?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …