I-FLEX
ni Jun Nardo
NAKARATING kay direk Joel Lamangan nang ipatawag ng MTRCB ang Viva Films para pag-usapan ang pagpasok ng departamentong pinamamahalaan ni Lala Sotto sa streaming outlets.
Sa post ni direk Joel sa kanyang Facebook, sinabi niyang tutol siya na pakialaman ng MTRCB ang outlets na ito.
Bahagi ng post ng director, “Magkaroon lamang ng self-regulation at hayaan ang mga ito ang magpatupad ng nasabing regulation.
“Ito ay isang mahusay na paraan upang maisaayos ang hinahangad ng maraming manlilikha na hindi pakialaaman ng anuman institusyon ang lilikhaing obra.”
Kontra rin ang premyadong director na sumailalim ang Netflix, Primde video sa MTRCB.
“Wala sa mandato ng MTRCB ang pakikilalam sa mga streaming platforms!” dagdag pa ni direk Joel.
Pero kahit kontra sa aspetong ito ang director, hindi naman napag-iinitan ang ginawang movie na Oras de Peligrodahil balita namin, R-13 without cuts ang rating nito.
Nagkaroon na ng screening ang movie ni Joel na katapat sa March 1 ng movie ni Darryl Yap. Invited kami sa premiere night nito at ibabalita namin kung may sagot siya sa huling pahayag ni direk Darryl noong presscon ng Martyr or Murderer.