FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
NAGBABANTA ang kagulohan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Nitong Biyernes, nasugatan si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong, Jr., matapos tambangan ang kanyang convoy sa bayan ng Maguing. Apat sa kanyang mga kasamahan ang agad na namatay.
Si Adiong, nabaril sa ilalim ng kanan niyang beywang, ay matagal nang masugid na tagasuporta ng mga inisyatibong pangkapayapaan sa Lanao del Sur, ang lalawigang importante sa matagumpay na pagtatatag ng BARMM.
Iginiit ng kanyang mga kamag-anak na hindi siya sangkot sa rido o away-pamilya sa kahit sinuman.
Nakababahala ang pagtatangkang ito sa kanyang buhay, na noong una ay isinisi sa isang lokal na grupong terorista na itinutulad sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Nalambungan nito ang hindi birong mga pagpupursigi upang matamo ang mapayapang awtonomiya sa pamamahala.
Dapat itong kondenahin gaya ng kung paano iprotesta ng ating pinakamataas na opisyal at ng puwersang pangseguridad ang pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea. Ang kahila-hilakbot na gawaing ito ay hindi karapat-dapat sa diplomasya o pagpapasensiyang ipinagkakaloob ng ating gobyerno sa Beijing.
Siya nga ba ang ‘Sibuyas Queen’?
Si Lilia “Leah” Matabang Cruz ang negosyanteng binansagan bilang “Mrs. Sibuyas” o “Onion Queen.” Parehong hindi nakatutuwa ang dalawang titulo, kung ikokonsidera ang paghihirap na dinaranas ng mga Filipino habang patuloy na tumataas ang presyo ng sibuyas hanggang hindi na talaga natin abot-kaya ang pagbili nito.
Mali namang husgahan siya sa kanyang hitsura sa telebisyon habang ginigisa siya ng mga kasapi ng Kamara de Representantes nitong 8 Febrero.
Gayonman, mayroong kakaiba at kaduda-duda sa hindi niya pagbibigay ng diretsong mga sagot sa mga simpleng katanungan tungkol sa presyohan ng sibuyas at kung ano ang nangyayari sa supply pagkatapos anihin mula sa mga taniman.
Masyadong mabababaw ang kanyang mga sagot at nakapagtatakang walang kasiguruhan para sa isang negosyanteng alam ang pasikot-sikot ng lahat — bilang financier ng mga taniman ng sibuyas na bumibili nang bultohan ng mga ani; at bilang importer na minsan nang nakakopo ng “hindi bababa sa 75% ng kabuuang inangkat na bawang ng bansa” base sa Office of Competition o OFC ng Department of Justice.
Sa background check kay Cruz, malalamang isang resolusyon noong 2013 ay inihain sa Kamara ni Cavite 4th District Rep. Elpidio Barzaga nang akusahan si Cruz sa pagkakaroon ng mga pekeng kompanya upang lumikha ng monopolyo sa importasyon ng bawang at sibuyas sa pakikipagsabwatan umano sa Bureau of Customs (BoC) at sa Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture.
Siya rin ang ‘Leah Cruz’ na kinasuhan ng Ombudsman, kasama si dating Agriculture Secretary Prospero Alcala at 22 iba pa, kaugnay ng garlic cartel fiasco noong 2018.
Kapag may usok na nagmumula mula sa direksiyon ni Ms. Cruz, mahirap paniwalaang wala roong apoy. Sa kabila nito, kailangan pa rin niya ng fair share gaya ng kung paanong karapat-dapat na mapanood ng publiko ang mga televised investigations na ito upang makita kung paano siyang ma-rattle.
Sa huli, posibleng ang hoarder ng lahat ng mga hoarders; iyong patawa-tawa habang papunta sa banko, ang dapat na mapiit sa kulungan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.