TINANGAY ng isang Nigerian ang US$39,000 ng dalawang Australiana na kaniyang katransaksiyon sa negosyo sa loob mismo ng kanilang condo unit sa Quezon City, Martes ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktimang sina Monica Amer Panchol, 41, businesswoman, at Doraka Yar Dau, 40, nurse, pawang Australian national at parehong nanunuluyan sa isang condominium sa Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, Quezon City.
Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na supek na kinilalang si Felix Medison, Nigerian national, 41, sinabing tumangay ng $39,000 ng mga biktima na nakalagay sa brown envelope.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6, Police Station 15, bandang 1:00 am kahapon, 31 Enero, nang madiskubre ng mga biktima na pinagnakawan sila ng Nigerian.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Alvin Bolastig, inimbita ng mga biktima ang suspek sa kanilang condo unit at nakipagtransaksiyon dahil nag-e-export umano ng construction supplies sa bansa ang suspek.
Pero sa gitna ng transakiyon, nagpaalam ang Nigerian sa mga biktima na lalabas muna para bumili ng pagkain dahil gutom na umano siya pero hindi na ito nagbalik at noon nadiskubre ni Dau na nawawala na ang brown envelope na nakalagay sa kaniyang bag, na naglalaman ng nasabing halaga. (ALMAR DANGUILAN)