Friday , January 3 2025

Salubungin ang Bagong Taon nang walang eSABONG

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

TAONG 2023 na pero hindi pa rin maipaliwanag ng mga Filipino kung bakit kinailangang lumobo nang sobra ang presyo ng sibuyas.

Nitong 29 Disyembre, naglabas si Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ng administrative order na nagtatakda sa suggested retail price (SRP) ng pulang sibuyas sa P250 kada kilo. Naging epektibo ito kinabukasan, kasabay ng kung anumang paliwanag ng gobyerno kung bakit kinailangang itaas ang SRP ng sibuyas mula sa P170 bawat kilo na itinakda noong Oktubre.

Maliban sa ipinangalandakan pero mabibilang lang naman sa daliri na Kadiwa stores, walang supermarket, grocery, puwesto sa palengke, talipapa, o sari-sari store na nagbebenta ng anumang klase ng sibuyas na bababa sa P300 kada kilo. Sa katunayan, sa mismong araw na ipinatupad ang SRP ni Panganiban, isang popular na supermarket chain ang nagbebenta ng pulang sibuyas sa ilegal na presyohang P600 per kilo.

E, anong ibig sabihin no’n?

*              *              *

Noong Hulyo, naghain ng panukala si Rep. Mikaela Suansing, kinatawan ng kinikilala bilang Onion Capital ng bansa, ang Nueva Ecija, para makapagtatag ng Philippine Onion Research Institute.

Sa explainer, binigyang-diin ng House Bill No. 1379 ni Suansing ang matamlay na industriya ng sibuyas sa bansa at naniniwalang ang isinusulong niyang pasilidad ay magsisilbing central experimentation station para sa masusing pananaliksik tungkol sa pagtatanim at produksiyon ng sibuyas.

Layunin nito, siyempre pa, na maging sapat sa pangangailangan ng Filipinas ang sarili nating produksiyon ng sibuyas at, kung pupuwede naman, makalikha ng iba’t ibang uri ng sibuyas na sosobra sa ating pangangailangan upang makapag-export tayo. Ito na nga kaya ang solusyon para mapababa ang presyo ng napakamahal ngayong sibuyas?

Kung iisipin, dito sa atin nakabase ang International Rice Research Institute (IRRI) sa nakalipas na mahigit 60 taon, at bagamat napakalaki ng naging silbi nito sa iba’t ibang lugar sa mundo, tinataya ng Federation of Free Farmers (FFF) na mangangailangan tayong umangkat ng hindi bababa sa tatlong milyong metriko toneladang (MT) bigas ngayong taon dahil sa inaasahang ‘mababang produksiyon’ at ‘tumataas na pangangailangan dito.’

Naisip ko tuloy kung masasabi rin kaya ni Sen. Cynthia Villar — na noong nagsisimulang tumaas ang presyo ng sibuyas bandang Oktubre ay nagsabing: “I can live without onions” — sa mga susunod na buwan ang: “I can live without rice.”

*              *              *

Bago matapos ang nakalipas na taon, siniguro ng Pitmaster Foundation Philippines na ang pagkakawanggawa nito para sa mga nangangailangan ay maibabandera sa media.

Pero ang totoo, isang paraan ito para mabigyang-katwiran at maigiit ng mga tumatabo ng kita sa mga malakihang operasyon ng sugal, ang pagkakaroon ng eSabong. Hindi na raw baleng sinisira nito ang moralidad ng ating lipunan.

Ang paggawa ng kabutihan ng kanilang foundation, para sa akin, ay paraan lang para pagtakpan ang pang-aagaw nila sa kakapiranggot na ngang panggastos ng mahihirap na tumataya sa eSabong.

Nakatutuwang pinanatili ni Bongbong Marcos na suspendido ang lahat ng operasyon ng eSabong sa bansa.

Isang masayang pagsalubong sa Bagong Taon, kasabay ng pag-asam na hindi dumating sa punto na mabulagan o bumigay sa pressure ang ating Presidente sa harap ng ‘mabubuting gawain’ na ipinupursigi ng Pitmaster Foundation para sa mga komunidad.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …