HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI na pumalag ang legal team ni Vhong Navarro nang ilipat ang komedyante sa Camp Bagong Diwa noong Lunes ng hapon, 3:00 p.m.. Simple lang ang paglilipat, isinakay siya sa isang NBI vehicle, kasama ang isang back up, naka-hoodie si Vhong, may face mask, nakababa ang cap kaya hindi mo na halos makita ang kanyang
mukha. May takip din ang mga kamay, na karaniwan namang ginagawa para hindi naman lantarang nakaposas siya. Hindi naman puwedeng hindi dahil SOP iyon.
Noong una, mahigpit ang pagtutol ni Vhong na ilipat siya sa city jail. Walang dudang kumilos din naman ang kanyang legal team para magawan iyon nang paraan dahil kung hindi, hindi naman siya dapat na tumagal ng dalawang buwan sa NBI. Pero matapos ang lahat ng mga legal na pagtutol, tanggap na rin nilang lahat na tama ang desisyon ng korte na ilagay siya sa city jail.
Nakabukod muna siya ngayon sa reception and quarantine cell, na karaniwan namang ginagawa bago ang isang detainee ay ilipat kasama ng ibang mga preso sa selda.
Ang tanong ngayon, gaano kabilis kaya ang magiging pagdinig ng korte sa kasong iyan. Ang magiging taktika ngayon dapat ng legal team ni Vhong ay mapabilis ang trial para hindi siya magtagal sa kulungan kung sakali. Ang kampo naman ng complainant na si Deniece Cornejo, hindi magmamadali iyan dahil habang tumatagal ang mga pagdinig sa kaso, mananatiling nakakulong sa city jail si Vhong dahil wala ngang bail sa kaso niya.
Kung ang pagdinig sa kasong iyan ay magtatagal at aabutin ng taon kagaya ng maraming kaso, apektado na ang career ni Vhong. Kung hindi siya katigan ng korte, maaari pa siyang mag-appeal sa mas mataas na hukuman gaya ng Court of Appeals, hanggang sa Supreme Court. Baka naman sa mataas na hukuman, payagan na siyang makapagpiyansa. Pero sa ngayon mananatili siya sa hoyo hanggang hindi tapos ang pagdinig ng RTC.