ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MULA sa pagiging singer, sumabak si LA Santos sa pag-arte at nabanggit niyang masaya siya sa larangang ito.
Ayon sa guapitong anak ni Ms. Flos Santos, gusto niyang mas gumaling pa ang kanyang acting skills.
Pahayag ni LA, “Masasabi kong very baby pa ang career ko at marami pa pong pagdaraanan.
“Actually, noong una parang medyo nagdadalawang isip ako sa acting, pero nang napasok na ako sa acting, na-in-love po ako, sobrang na-in-love po ako, the fact, na parang napupunta ako sa ibang mundo po, parang ganoon.”
“Lalo na po kapag may mga scenes na… specially dito sa Darna, kapag may mga scene na may mga alien na kalaban or may mga nagsasabugan, nakaka-amaze lang po sa akin.
“Kasi ano po, kumbaga ay parang bakasyon na rin siya para sa akin, kasi ay nare-relax po ako or parang nakakalimutan ko muna ‘yung mundo, nang saglit po,” mahabang saad niya.
“Iyon ang sobrang naa-appreciate ko po sa acting, kaya nga po parang mas gusto ko pong mas gumaling pa sa acting. Like, I wanna take on more challenging roles po.
“‘Tsaka mas gusto kong mag-grow ang sarili ko, kaya sobrang ayaw ko pong sayangin itong chances na ibinibigay sa akin,” aniya nang makapanayam ng mga taga-media sa Mesa Restaurant, Tomas Morato Avenue, Quezon City.
Ang guwapitong 22-year-old na si LA ay na-launch as a recording artist under Star Music noong 2017 at main man ng 7K Sounds noong 2020. Pero recently ay mas humahataw siya bilang mainstream TV actor.
Si LA ay napapanood sa ABS-CBN’s primetime offering na Mars Ravelo’s Darna, gumaganap siya bilang si Richard Miscala, isang paramedic team members.
Dito’y nabigyan ng pagkakataon si LA na makasama ang lead stars ng Darna na sina Joshua Garcia, Janella Salvador, at Jane De Leon.
Bago ang Darna, si LA ay napanood sa Ang Sa Iyo Ay Akin na tinampukan nina Sam Milby, Iza Calzado, at Jodi Sta. Maria.
Nabanggit ni LA na patuloy niyang hinahasa ang kanyang kakayahan sa pag-arte sa one-on-one workshop sa veteran actress na si Malou Crisologo, na nagpakita nang husay sa FPJ’s Ang Probinsyano at sa The Broken Marriage Vow.
Bilang bahagi ng Darna, thankful si LA sa mga nakakasama niya rito.
“Sobrang parang family na rin talaga po kami. Nakabuo kami ng family dito sa Darna. Ang pinakanaa-appreciate ko po kina Jane, Janella, at Josh, nagtutulungan po kami. Sobrang bait talaga nila.
“Sila iyong tipong iaangat ka, ganoon po… ‘yung parang ano po kasi, iyong nagtutulungan kami para iangat ang isa’t isa, na parang as a Darna, na isang buong unit, na sabay-sabay kaming lilipad, iyon ang naa-appreciate ko po sa Darna,” nakangiting sambit pa ni LA.
Kung mas naka-focus siya ngayon sa acting, paano na ang kanyang singing career?
Esplika ni LA, “Never ko bibitiwan ang music ko po, kasi ‘yung music ang reason kung bakit nandito ako sa showbiz po, e.
“Kaya parang kahit nagfo-flourish ako sa acting ngayon, ayaw ko pa rin pong mawala ‘yung music ko po. Lalo na kakakanta ko lang ng theme song ng Darna, hindi ba?
“Kaya kumbaga, acting pa rin po (ang priority ko ngayon), pero ‘yung pagiging singer ko, parang pang-pogi points na lang po, pang mall show, hahahaha!”
Ayon kay LA, early next year ay muli siyang magiging aktibo sa larangan ng music.
-30-