INIIMBESTIGAHAN ng mga awtoridad kung pinatay sa sakal ng sariling ina ang bagong panganak na sanggol saka isinilid sa maleta at ipinaanod sa ilog sa Quezon City, noong Sabado ng umaga.
Nakakabit pa ang umbilical cord ng 1-day old sanggol na babae, 53 inches ang haba, may bigat na 1.250 kilogram.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 am nitong 10 Setyembre, nang madiskubre ang patay na sanggol sa Tullahan River malapit sa California Riverside, California Dream Homes, Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Alexiss Mace Jurado ng CIDU, nagpapatuka ng mga manok ang isang Josephine Baluyot sa poultry na nasa likuran ng kanilang bahay nang mapansin ang maleta na lumulutang sa gitna ng ilog.
Dahil sa kuryosidad, pilit na kinuha ni Baluyot ang maleta at nang kaniyang mabuksan ay bumungad sa kaniya ang bagong panganak na sanggol.
Mabilis na inireport ni Baluyot ang nasaksihan sa mga opisyal ng Barangay San Bartolome na inireport naman agad sa mga awtoridad.
Batay sa pagsisiyasat ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Capt. Eric Angay Angay, may nakapulot na tela sa leeg ng sanggol nang ito ay matagpuan.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang walang pusong ina na nagtapon sa ilog ng kaniyang isinilang na sanggol. (ALMAR DANGUILAN)