KINASTIGO ngayon ng abogadong aktibista na si Argee Guevarra ang mga opisyal ng Department of Agriculture at ng National Food Authority sa patuloy na paglihis sa isyu ng maanomalyang importasyon ng tone-toneladang bigas mula sa Vietnam noong Abril.
Bilang tugon sa mga pagtanggi ni NFA Deputy Administrator Ludovico Jarina noong isang linggo, sinabi nitong Martes ni Guevarra na, “ang mga pagtanggi sa nangyaring matiwaling transaksyon sa pag-angkat ng bigas ay dapat tanggapin nang may halong duda” lalo na sa patuloy na pagpaimbabaw ng presyo ng bigas sa mga pamilihan. Nakatakdang makipagharap si Guevarra sa mga opisyal ng DA at NFA sa pag-iimbestiga ng House Committee on Food Security sa naturang usapin nitong Huwebes.
“Huwag na natin balikan at gamiting muli ang ganitong estilo ng pagsagot sa mga detalyadong paratang ng katiwalian. Ang pagsasabing politika ang nasa likod ng lahat ng ito ay nakabobobong paraan ng paglihis sa isyu. ‘Ika nga’y panay ‘Squid Tactic’ lang lahat ito,” ani Guevarra
“Dapat noon pa nagsimula ang DA at ang NFA na sumagot sa mga pagbubunyag ng mga datos at numero na maaari nating maihambing at mapapatotohanan ng mga dokumento. Lalo na ngayong daraan na sila sa panggigisa ng Mababang Kapulungan dahil sa mga anomalya at katiwaliang kanilang ipinamamayagpag sa kanilang mga ahensya ay unang nagkabuhay sa kamalayan ng bansa. Noon ay si Napoles, ngayon ay ang MOLSO ng Bigas,” paggiit pa ng abogado.
Ipinagkibit-balikat lamang ni Jarina nitong nakaraang linggo ang mga alegasyon ni Guevarra tungkol sa P457 million overpricing ng importasyon ng bigas noong Abril at sinabing isa lamang itong paninira sa kanila ng mga grupong umaayaw sa repormang ipinapatupad sa NFA.
“Anong reporma ang sinasabi niya? Ito bang reporma sa pagpapairal nila ng monopolyo sa pag-aangkat ng bigas upang makopo nila ang taguring Mafia sa Pampublikong Sektor na magdidikta sa araw-araw nating kinakain? Bakit ka mag-aangkat ng pagkamahal-mahal na bigas kung ang hawak mong stock ng bigas noong taon 2008 pa ay hindi pa man lamang nagagalaw? Pakiramdam ko sa mga nangyayaring ito ay nakapaghukay ng pagkalalim-lalim ang mga Mafia ni Gloria sa burukrasya ng NFA at mistulang hindi sila matinag-tinag ng bagong pamumuno. O di kaya’y ang raket na ito ay pakana ng akala nati’y mga tagatulak ng pagbabago pero ang totoo’y mga buhong na mananamantala pala sa bigas.”
Kinontra din ni Guevarra ang depensa ni Jarina na 18,700 metriko tonelada galing sa kabuuang bilang na 205,700 metriko toneladang inangkat bigas ay ‘awtorisado’ o pinapayagan sa ilalim ng ‘probisyong MOLSO (more or less at supplier’s option)” ng kontratang government-to-government ng Filipinas sa Vietnam.
“Kung ganoon pala, dapat ang bigas na inangkat sa transaksyon noong Abril ay ipinakilala’t isinubo nila sa mga Filipino bilang “MOLSO RICE: More Or Less Still Overpriced” resbak ni Guevarra kay Jarina.
“Nasa akin na ang mga dokumentong magpapatunay dito, hango sa mga Talking Points ni NFA Administrator Orlando Calayag noong nakipag-usap sa Ambassador ng Vitenam dito sa Filipinas, inamin niya na ang probisyong MOSLO sa G2G agreement ay hindi sakop ng Tax Expenditure Subsidy (TES) ng Kagawaran ng Pananalapi o Department of Finance. Isa pa, kung totoo ang sinasabi ni DepAd Jarin, ito ay isang garapalang paglabag sa umiiral na Philippine Accounting and Auditing rules and regulations at sa sulat na nilagdaan mismo ni Jarina na umaamin na habang nasa gitna ng importasyon ang bigas na ito, hindi pa aprubado ng NFA Council ang pag-angkat ng 18,700 MT sa ilalim ng probisyong MOSLO sa G2G natin at ng bansang Vietnam,” dagdag niya.
Tungkol naman sa sinasabi ng NFA na nakatipid pa sila ng halos isang milyong piso sapagkat kabilang sa kanilang transaksyon ang gastusin sa handling at freight, ito naman ang tugon ni Guevarra: “May $100 na balance pa rin, ang minimum export price (MEP) ng Vietnam ay $365 per kada MT; at kung sakali mang may katotohanan ang kanilang anggulo na kasama sa kanilang imported rice ang handling at delivery, ang handling po mula sa mga pantalan ng Filipinas patungo sa warehouses ng NFA ay nagkakahalaga lamang ng $22 kada MT habang ang vessel freight cost ay nagkakahalaga ng hindi hihigit sa $25 kada MT. Kung susumahin, kailangan pa rin magpaliwanag ng NFA sa nawawalang $36.74 kada MT.”
“Imposibleng nakatipid pa ang NFA ng P100 milyon habang nagbubulsa ng P400 milyon pa sa isang napaka-maanomalyang transaksyon. Ito ang bersyon ng NFA ng dagdag-bawas. Bago pa isaing ang kilong bigas ni Juan, ito pala ay nabawasan na ng isang salop at napunta sa bulsa ng mga kawatan.”
HATAW News Team