NASUNOG ang iconic at popular na Annabel’s Restaurant sa Quezon City, matapos ang dalawang ulit na pagsiklab ng apoy sa kanilang gusali, nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), unang sumiklab ang apoy sa kusina ng kilalang restaurant dakong 4:32 am, 31 Agosto, pero agad naapula matapos ang isang oras.
Batay sa arson investigator, ang sunog ay sanhi ng gas leak sa kusina.
Bandang 8:15 am, sa parehong petsa ay muli na namang sumiklab ang apoy sa function room sa second floor ng two-storey building ng restaurant. Naapula ang apoy dakong 9:57 am.
Tinatayang aabot sa P4 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok. Walang napaulat na namatay o nasugatan.
Ang Annabel’s Restaurant ay matatagpuan sa Tomas Morato Ave., sa Brgy. Sacred Heart, madalas pagdausan ng mga press conferences at iba pang public events.
Batay sa inilabas na pahayag sa kanilang Facebook page, pinasalamatan ng management ng restaurat ang kanilang maraming kliyente na patuloy na tumatangkilik sa establisimiyento.
“We’re happily looking forward to serving you. For now, we will rebuild to serve you better,” saad sa pahayag. (ALMAR DANGUILAN)