FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
DALAWANG araw na lang at magwawakas na ang administrasyong Duterte. Sa kabila ng paulit-ulit na pagpuna ng Firing Line sa ilan sa kanyang mga naging polisiya at desisyon, sa nakalipas na anim na taon ay karaniwang inilalahad ng Presidente sa salitang kalye, ipinagpapasalamat natin ang payapang pagtatapos ng kanyang termino, alinsunod sa Konstitusyon.
Bagamat nag-uumigting sa kaloob-looban ko na sabihin sa kanya ang “good riddance,” ang isiping si Bongbong Marcos ang papalit sa kanya ay naglimita sa aking mensahe sa simpleng “paalam.” Ipinagdarasal kong mali ako, pero hindi ko maialis ang pakiramdam na para bang muli na naman tayong ipapain sa sarili nating kapahamakan.
Sa kabila nito, may ilang isyu na natutuwa akong natuldukan, nalinawan, at ang iba ay naresolba pa sa mga huling araw ng pamumuno ni Duterte.
Una, sa larangan ng pagtugon sa pandemya, inilinaw ng Department of Health – sa kabila ng pamumuno rito ng isang kalihim na sangkot sa sari-saring usapin – na siyensiya at ebidensiya ang naging gabay nito sa pagbubuo ng mga pampublikong polisiya at solusyon kontra COVID-19. Hindi rin maitatangging sapat ang bakuna para sa mga Filipino.
Tungkol naman sa ugnayan ng Filipinas sa China, mabuti ang ginawa ni Duterte nang “tuluyan niyang tinapos” ang mga negosasyon para sa joint oil at gas exploration sa West Philippine Sea.
Base sa tala, iprinotesta ng Department of Foreign Affairs ang bawat insidente ng panggigipit ng Beijing laban sa Filipinas sa teritoryong kapwa inaangkin ng dalawa. Sumusumpa si outgoing DFA Secretary Teodoro Locsin, Jr., na si Mr. Duterte –ilang beses na pinuri si Xi Jinping bilang “malapit na kaibigan” – ay hindi kailanman isinuko sa China ang soberanya ng bansa. Sa sarili niyang pahayag, sinabi ni Locsin: “Hindi natin isinuko ang kahit isang pulgada ng ating teritoryo o isang patak ng ating karagatan. Hindi sa salita o sa gawa natin palalamyain ang ating paninindigan at karapatan sa ipinaglalaban natin sa West Philippine Sea.”
Sa kaunlarang pang-impraestruktura, hindi maitatangging ito na ang pinakamalaking paggastos sa impraestruktura sa ating kasaysayan. Asam lang natin na ang mga pamumuhunang ito para sa mga Filipino ay maging matagumpay at kapaki-pakinabang gaya ng mga naunang nakompleto na. Pinapalakpakan ko rin ang muling pagbubukas ni Duterte sa Philippine National Railways (PNR) Lucena-San Pablo Commuter Line sa San Pablo City, Laguna, noong nakaraang linggo.
Malaki rin ang utang na loob at pasasalamat ng mga kaibigan ng Firing Line sa sandatahan sa papatapos na administrasyon, na nagdagdag sa kanilang suweldo at mga retirement benefits at pagsusulong ng modernisasyon, na sa loob ng napakatagal na panahon, sa mga nakalipas na administrasyon, ay pinapangarap lamang ng militar.
Kaugnay nito, utang din ni Marcos, Jr., sa kanyang hahalinhan ang malawakang kapayapaan na tinatamasa ngayon ng mga probinsiya at rehiyon na dating pinamumugaran ng mga rebelde at delikado sa mga labanan. Maliban na lang sa brutal na digmaan kontra ilegal na droga. Napakalaki ng naging kapalit nito, ang mga karapatang pantao – pero hindi mamanahin ng susunod na presidente ang sisi rito dahil bibitbitin itong lahat ng pinapanginoon ng mga DDS pagbaba nito sa puwesto. Goodbye, Citizen Digong.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.