PATAY ang 40-anyos lalaki makaraang pagbabarilin habang nakikipag-inuman sa dalawa niyang kapitbahay sa Barangay Bahay Toro, Quezon City, nitong Miyerkoles ng hapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay kinilalang si Arnold Fabro Talino, alyas Hika, 40, may asawa, walang trabaho, at residente sa Sitio Incenelator, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Herbert Fabro Talosig, alyas Lakay, 40, naninirahan sa Road 18 Extension, Brgy. Bahay Toro, at Jonathan Terencio, alias Tisoy, nasa hustong gulang ng San Jose Village, Brgy. Bahay Toro, QC.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 3:30 pm nitong 1 Hunyo, naganap ang insidente sa isang eskinita sa San Jose Village, Brgy. Bahay Toro, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Rasul Monib, masayang nag-iinuman ang biktima kasama si Ezra Angeles at isang kilnialang Mamay nang dumating ang mga suspek.
Nagulat at kumaripas ng takbo sina Ezra at Mamay nang biglang maglabas ng baril si Talosig at pinaputukan ang biktima.
Nang bumagsak si Talino agad tumakas ang mga suspek habang isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima ngunit dakong 5:11 pm binawian ng buhay, ayon kay Dr. Maureen Ramitere.
Ang biktima ay may dalawang tama ng bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng barik sa kaliwa at kanang bahagi ng katawan.
Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng krimen habang tinutugis ang nakatakas na mga suspek. (ALMAR DANGUILAN)