WALA tayong kamalay-malay nakagawa na naman ng isang commercial endorsement ang star for all seasons na si Vilma Santos. Iyan ang una niyang nagawa matapos na tumalikod sa politika. May nagsasabi nga na siguro ang kinita niya sa nasabing endorsement ay kasing laki na ng isang taong suweldo niya bilang congresswoman.
Hindi ba kahit naman noong governor pa siya, minsan nagpapaalam pa siyang gagawa muna ng pelikula o kaya ay commercial lalo na’t kailangan nga niya ng personal na pondo para sa mga lumalapit at humihingi ng assistance.
“Lalo na iyang mga commercial endorsements, malaki ang pakinabang ko riyan. Kasi mayroon silang mga institutional budget at sinasabi ko iyon sa simula pa lang. Hindi ako humihingi ng napakalaking talent fee para sa endorsements, pero kung halimbawa may kalamidad, tulungan naman nila ako sa pagbibigay ng mga produkto nilang makatutulong sa mga nangangailangan. Kagaya nga niyang oats, may instant iyan na lalagyan mo lang ng mainit na tubig puwede nang kainin.
“Nakita namin ang advantage talaga niyang mga instant food, lalo na noong pumutok ang Taal. Iyong inendorse kong noodles, nagpadala sila talaga ng marami at pinakinabangan nang husto sa mga evacuation centers. Kasi sa evacuation wala naman silang lutuan talaga, pero mag-init ng tubig madali lang iyon.
“Noon nag-endorse ako ng mga gamot, ganoon din, Humingi ako ng tulong para sa mga health centers namin, aba ipinagmamalaki naming sa Batangas lang iyong kahit na saang health center ka magpunta may maibibigay sa iyong basic medicines. Iyong ibang mga gamot ipinadadaan na namin sa social welfare at sila na ang bumibili kung kailangan.
“Minsan kinakapos din, iyan gagawa na ako ng pelikula. Isisingit ko na para may personal funds akong pantulong.
“Halimbawa ngayon, wala na nga ako sa politika, pero si Ralph ang pumalit sa akin sa House. At inaasahan nila na dahil asawa ka ng congressman malalapitan ka rin nila. Basta may kalamidad inaasahan nila na makikita ka agad. Iyan ang buhay na pinaghahandaan ko,” kuwento ni Ate Vi.