SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NANAWAGAN ang mga tagasuporta ng Leni-Kiko sa Twitter at iba pang social media channels na ipalit si Monsour Del Rosario sa nabakanteng ika-12 puwesto. Nais nilang ipalit ang aktor kay Migz Zubiri na naalis bilang isa sa senador ng Robredo-Pangilinan tandem.
Si Del Rosario ay miyembro ng Partido Reporma, ngunit kamakailan ay napukaw niya ang atensyon ng mga tagasuporta ni Leni-Kiko nang lantaran niyang ihayag ang pagsuporta kay Robredo. Ito ay matapos magbitiw ni Ping Lacson bilang chairman at presidential candidate ng Reporma. Mula noon, si Del Rosario ay napabilang na rin sa grupong 1Sambayan na ngayon ay may kabuuang 11 kandidato, 8 dito ay kabilang din sa opisyal na Tropang Angat slate.
Isang dating atleta ng taekwondo na sumabak sa 1989 Seoul Olympics at sikat na action star noong dekada ’90, si Monsour ay nagsilbi sa sambayanang Filipino sa loob ng siyam na taon bilang konsehal ng District 1 ng Makati ng dalawang termino. Naging kongresista rin siya mula 2016 hanggang 2019, na gumawa ng 292 panukalang batas at resolusyon, kabilang ang Telecommuting Act of 2018 o Work From Home Law na tumulong sa maraming manggagawang Filipino sa kasagsagan ng pandemya.
Sakaling manalo, isusulong ni Del Rosario ang Healthcare Heroes Card Law para sa mga medical frontliner, ang Athlete’s Pension para sa mga atleta na nagdulot ng karangalan sa bansa, isang maayos na sistema ng edukasyon at pag-unlad para sa mga batang may different learning abilities, at tumulong sa mga magsasaka upang mapadali ang paghahatid ng mga benepisyo at iba pang proseso ng gobyerno para sa kanila.
“Nagpapasalamat ako sa mga netizen at supporters nina VP Robredo at Sen. Pangilinan sa kanilang pagtitiwala sa akin pero ang Leni-Kiko team lang ang makapagdedesisyon kung gusto nila akong isama sa kanilang official slate o hindi. Sa huli, ang mga botante ang magdedesisyon kung sino ang gusto nilang maging susunod na senador. Kaya naman narito rin ang ating 1Sambayan slate para mag-alok ng mga alternatibo. Kung pipiliin ng mga tao na iboto ako, lubos akong magpapasalamat at susuklian ko ang kanilang mga boto ng 101% na tunay na serbisyo, tulad ng ginawa ko noong nasa Kongreso ako,” pangako ni Del Rosario.
Ang 1Sambayan senatorial slate ay kasalukuyang binubuo ng 11 miyembro: Teddy Baguilat, Neri Colmenares, Leila De Lima, Chel Diokno, Dick Gordon, Risa Hontiveros, Elmer Labog, Alex Lacson, Sonny Matula, Sonny Trillanes, at Monsour. Samantala, ang Tropang Angat official senatorial slate ng Leni-Kiko tandem ay mayroon na lamang 11 kandidato na binubuo nina Baguilat, De Lima, Diokno, Gordon, Hontiveros, Lacson, Matula, at Trillanes kasama ang mga guest candidate na sina Jejomar Binay, Chiz Escudero, at Joel Villanueva.
Samantala, patuloy ang pagdalo ni Del Rosario sa mga Leni-Kiko rally at kapansin-pansin ang karisma at hatak niya sa tao. “Nakagagaan ng loob na makita ang mga tao na nagkakaisa para sa layuning mapabuti ang ating bansa. Tingin ko hindi ang pagkakasama ko sa 1Sambayan ay hindi lang nagkataon. Pakiramdam ko nakatadhana ako rito dahil ang layunin ko sa pagtakbo bilang senador ay lubos na naaayon sa layunin ng mga taong sumusuporta sa 1Sambayan at sa Leni-Kiko tandem. Lahat tayo ay may iisang hangarin, ang iangat ang buhay ng bawat Filipino sa pamamagitan ng isang mapagkakatiwalaang pamahalaan na nakatuon sa tunay na serbisyo publiko,” dagdag pa ni Del Rosario.