INILUNSAD ng SM Malls ang Electronic Vehicles (EV) Charging sa SM Aura kasunod ang paglulunsad nito sa tatlo pa nilang SM Malls.
Kabilang dito ang SM MOA, SM Megamall at SM North EDSA.
Ayon kay Steven Tan, Pangulo ng SM Prime Holdings bahagi ito ng kanilang programang Cyber Greening.
Dito ay nais nilang makatulong na mabawasan ang polusyong naidudulot ng mga usok ng sasakyan mula sa kanilang tambutso sa paggamit ng gasolina.
Tiniyak ni Tan, libre ang kanilang charging station at ito ay kanilang papalawagin sa iba’t ibang branch ng SM Malls.
Masayang sinabi ni Tan, sa naturang EV Charging ay nakatipid na sa koryente at pagbili ng gasoline, nakatulong pa sa kalikasan habang nagre-relax sa loob ng mga mall.
Habang nagta-charge ay maaaring makipag-meeting, mamili sa grocery at department store, kumain at maglibot-libot sa kanilang mga paboritong mga shop at maaari rin manood ng sine, maglaro ang mga bata at mag-enjoy sa kanilang family bonding.
Bukod dito, sinabi ni Tan, target nilang sa katapusan ng taon ay maging 50 porsiyento sa lahat ng SM Malls na ang gamit ay renewable energy.
Sinabi ni Tan, kung makatitipid sila sa elektrisidad at makatutulong sa pamahalaan para sa pagtitipid ay malaking bagay para sa ating inang kalikasan.
Katuwang ng SM Malls sa programa ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Transportation (DOTr), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Energy (DOE).
Nagpahayag ng kani-kanilang mga pananaw at suporta ang mga kinatawan ng mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan sa programang Cyber Greening ng SM Prime Holdings.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, handa rin sumuporta ang pamahalaan sa mga nais maglunsad ng naturang programa.
Tinukoy ng mga kinatawan ng pamahalaan na naglunsad ng ganitong uri ng programa ngunit para lamang sa e-trike, e-jeepney, at e-bike.
Umaasa ang bawat mahihikayat ng publiko na lumipat sa paggamit ng Electric Vehicle dahil bukod sa makatitipid ay malaking kontribusyon ito para lalong mapangalagaan at maprotektahan ang inang kalikasan. (NIÑO ACLAN)