‘PAPITIK’
ni Sab Bai Hugs
NILAMON na rin ng bulok na sistema si Marikina City Mayor Marcy Teodoro.
Nakalulungkot na hindi niya napanindigan ang kanyang prinsipyo, gaya ng ilang politiko. Tuluiyan na nga siyang nilamon ng sistema.
Noong bagitong congressman si Mayor Marcy sa Unang Distrito ng Marikina sa ilalim ng 16th Congress, isa siya sa co-author at sumuporta sa Republic Act No. 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.
Wala pa noong batas sa Filipinas laban sa political dynasty, ito ang masasabing pinakamalapit na batas na nagbabawal sa pami-pamilyang politiko na nagsasalin-salin ng puwesto sa kanilang bayan o probinsiya na inaprobahan noong 2016 sa ilalim ng Aquino administration.
Sa pagsuporta ni Mayor Marcy sa nasabing panukala, malinaw na ayaw niya sa political dynasty gaya ng isinasaad sa Section 10 ng nasabing batas na nagsasaad na: “Sangguniang Kabataan must not be related within the second civil degree of consanguinity or affinity to any incumbent elected national official or to any elected regional, provincial, city or municipal, or barangay official in the locality where he or she seeks to be elected.”
Tulad ng karamihang bagong politiko, tutol si Mayor Teodoro sa dynasty ngunit ngayong matagal na rin sa politika ay iba na si Mayor, nagsisimula na siyang gumawa ng sariling dinastiya sa Marikina City.
Ang alkalde ay tumatakbo sa kanyang huli at ikatlong termino bilang alkalde habang ang asawa na si Marjorie Ann Teodoro ay tumatakbo bilang kinatawan ng Marikina First District.
Hindi bago ang ganitong eksena dahil marami na ang gumagawa nito, ilang local government units (LGUs) ang iisa ang apelyido ng kanilang governor, congressman, mayor at maging konsehal ngunit bakit partikular tayo kay Mayor Teodoro?
Marahil dahil kitang-kita ang pag-iiba ng landas ng alkalde. Kung hindi sinuportahan ng alkalde ang anti-political dynasty ay hindi natin siya pupunahin.
Nanghihinayang tayo sa nagiging tunguhin ng politikong minsang hinangaan ng kanyang mga kababayan.
Mas gusto pa natin ang mga politiko na totoo sa kanilang sarili, gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte na simula pa lamang ay aminadong hindi uusad ang laban sa political dynasty dahil sa Davao City ay mayroong dinastiya pero si Mayor Marcy ay masasabi nating hindi na nakayang panindigan ang kanyang prinsipyo.
Mayor Marcy, nalimutan mo na ba? Walk the talk.