PROMDI
ni Fernan Angeles
SA GAWING SILANGAN ng Metro Manila matatagpuan ang isang nakabibighaning bayan na higit na kilala sa magagandang tanawin, luntiang pamayanan, at tahanan ng mga pinakamahusay na alagad ng sining kabilang sina Maestro Lucio San Pedro at Jose Blanco.
Ito marahil ang dahilan kung bakit dinarayo ang baybaying bayan ng Angono sa lalawigan ng Rizal. Maging ako mismo napahanga sa pagpupursigi ng lokal na pamahalaan na panatilihin ang kagandahan, kalinisan at kulturang nakagisnan mula pa sa pagkabata.
Ang nakalulungkot, tila masisira lang ang magandang imahen ng nasabing bayan dahil sa mapagsamantalang polisiya ng isang pribadong pagamutan na mistulang bihag ang isang pasyente dahil kinapos ng kaunting pambayad sa kanilang ospital.
Ang totoo, ako mismo ang saksi nang hayagang sabihin ng kanilang pagador na hindi nila puwedeng palabasin ang sinomang pasyente kung hindi kompleto ang bayad.
Ang siste, maski sino ay kakapusin dahil higit pa sa doble sa nararapat na singil ng nasabing pagamutan. Narito ang isang halimbawa – ang branded na Dulcolax na karaniwang binibili sa halagang P90 kada piraso, P190 sa kanila. Gamot pa lang ‘yun.
Base sa hospital bill na ibinigay ng apo ng pasyenteng si Ramon Velasquez Angelo, ang dalawang araw na inilagi sa ospital ng kanyang lolo, tumataginting na P41,500 ang singil sa serbisyo ng nars. Paano pa kaya ang singil ng doktor?
Pati ang personal protective equipment ng mga kawani ng ospital, ikinakarga rin sa bayarin ng pasyente.
Polisiya rin nilang sa kanila bumili ng antigen test kit sa halagang P900 tuwing lalabas ang nagbabantay na pasyente, gayong puwede naman bilhin sa labas ng kanilang pagamutan ang isang antigen test kit sa halagang P250 kada piraso.
Higit pa sa overpricing, dapat imbestigahan ng Department of Health (DOH) ang pagpiit ng mga pasyente dahil kulang ang kanilang salaping pambayad sa ospital na kung susuriin ng Bureau of Fire Protection ay isang fire hazard. At heto pa, ang bangketa at bahagi ng mismong kalsada, sinakop din nila.
Bagamat nakalabas na sa pagamutan si Lolo Ramon sa tulong ni Angono Vice Mayor Gerardo Calderon, hindi dapat palampasin ang mga garapalang pang-aabuso ng nasabing pagamutan sa mga pasyenteng limitado ang kaalaman sa batas.
Batay sa Republic Act 9439, malinaw na mahigpit na ipinagbabawal na idetine sa pagamutan ang sinomang pasyenteng walang pambayad. Sa kaso ng 80-anyos na si lolo Ramon, kinapos lang nang kaunti ang perang hawak ng kanyang apong naghain pa ng kanyang pirmadong promissory note – aba, ‘di daw nila puwedeng palabasin dahil ‘yun umano ang polisiya ng may-ari ng ospital.
Sa aking pagsasaliksik, isang Ferdinand Marcelino ang lumalabas na may-ari ng San Isidro Hospital sa Angono.
Ang tanong – mas tigasin pa ba si Marcelino kompara sa Kongresong nagsabatas ng RA 9439? Siguro may sinasandalang tigasin sa gobyerno kaya pati ang batas tinatalipandas.