NIYANIG ng 5.2-magnitude lindol ang Batanes nitong Sabado ng gabi.
Batay sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 9:53 pm, nitong SAbado, 26 Marso, nang tumama ang lindol sa Basco, Batanes.
Ayon sa Phivolcs, ang epicenter ng naturang lindol, na tectonic ang origin ay natukoy na may 40 kilometro sa hilagang silangan ng Basco, may lalim na 29 kilometro.
Naramdaman din umano ang Intensity 3 sa Basco.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, ang lindol ay dulot ng fault na nabuo nang ang kontinente ng Asya ay bumangga sa tip ng northern Luzon.
“Sa Batanes kasi maraming fault sa lupa, at ito ay dulot ng collision ng kontinente ng Asia doon sa dulo ng northern Luzon. Ang Batanes at Taiwan island ay collision zone, binabangga, kaya paminsan-minsan ay may lindol sa dagat na nararamdaman ng mga isla malapit sa Batanes,” paliwanag ni Solidum sa isang panayam sa telebisyon.
Wala umanong inaasahang pinsalang naidulot ang naturang lindol ngunit asahan na ang pagkakaroon ng aftershocks. (ALMAR DANGUILAN)