Sunday , December 22 2024

Escort service ng CIDG?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

HATI ang health experts at mga negosyante kung napapanahon na nga bang mamuhay sa “new normal” ang bansa, na sisimulan sa tuluyang pagbawi sa mga pagbabawal. Ang bagay na ito, siyempre pa, ay napagdesisyonan na ng IATF kahapon.

Para sa akin, dapat nakabase sa siyensiya at kompletong datos ang pagpapasya sa ipatutupad na lert levels, pagbabawal, polisiya, at response protocols. Pero sa kabila ng mga makatuwirang desisyon sa mga polisiya at pagtugon, kung pagbabatayan ang karanasan natin sa nakalipas na dalawang taon, napatunayang palpak tayo sa larangan ng paghahanda at implementasyon.

Kasabay nito, ang ating ekonomiya ay nananatiling sadlak, tulad ng isang taong nalulunod sa sarili niyang fluids. Kaya kahit ano pa man ang mapagdesisyonan ng IATF ngayon o bukas, naniniwala akong panahon nang tanggapin ng mga Filipino sa kanilang sarili na ang tanging bagay na kontrolado natin ay kung paano natin mapoprotektahan ang ating sarili laban sa banta ng CoVid-19.

Dapat mapagtanto ng marami sa atin na kailangang magkusa tayo sa estriktong pagtalima sa health protocols at umakto na para bang namumuhay tayo sa loob ng sarili nating bubble habang nagsisikap na huwag mahawa sa iba. Iyan, para sa akin, bagamat lantarang kawalan ng pakikisama, ang new normal ng social interdependence, ang susi natin laban sa pandemyang ito.

* * *

Nitong Pebrero 2, ineskortan ng mga tauhan ng Customs ang dalawang hinihinalang miyembro ng Yakuza pagdating sa NAIA Terminal 2 mula sa Japan dahil sa pagbibitbit ng mahigit 100.6 million Japanese yen (nasa P50 milyon).

Ang nakagugulat, habang kasama nila ang mga imbestigador ng Customs patungo sa pansamantala nilang piitan, 10 armadong lalaking nakasuot ng sibilyan at nagpakilalang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP ang humarang at kinuha sa kanilang kustodiya ang dalawang lalaking Japanese.

Sa tulong ng PNP Aviation Security Group, ibinalik ng mga tauhan ng CIDG ang dalawang Japanese sa Customs Office sa NAIA makalipas ang kalahating oras ‘tsaka nagsialisan.

Kung totoong sila ay kasapi ng Yakuza – batay sa mga tattoos sa kanilang katawan – ano ang kinalaman sa kanila ng grupo ng CIDG na bigla na lang sumulpot sa airport? Kung ako ang PNP Chief, agad-agad kong aalamin kung bakit nakikialam ang mga tauhan ko sa CIDG sa trabaho ng airport security, uusisain kung mayroon silang warrant, operation plan papers, o kung nakipag-ugnayan man lang sa kanilang mga kapwa law enforcers sa NAIA.

Pero, siyempre pa, trabaho ‘yan ni Gen. Dionardo Carlos.

Ang dalawang hinihinalang miyembro ng Yakuza ay kinasuhan na ng smuggling sa harap ng Pasay City Prosecutor’s Office. Panahon nang ibunyag ni Gen. Carlos ang katotohanan kung naparusahan na ba ang mga tauhan ng CIDG na nagsilbing escorts ng mga kasapi ng Yakuza gang.

Kung hindi, dapat linawin ng PNP ang isyung ito sa paglalahad ng katotohanan, tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga taga-CIDG, at hayaan silang panagutan ang kanilang ginawang eksena sa pangunahing paliparan ng bansa.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …