HINDI pinaboran ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang panukalang ‘no booster, no entry policy’ o ang mungkahing gawing requirement ang CoVid-19 booster vaccination sa pagpasok sa mga establisimiyento.
Ayon kay Año, hindi pa napapanahon ang naturang panukala at ang prayoridad pa rin ngayon ng pamahalaan ay mabigyan ng primary series o dalawang unang dosis ng bakuna ang may 34 milyong mamamayan sa bansa, na hindi pa rin bakunado laban sa CoVid-19.
“Sa ngayon, hindi pa ‘yan napapanahon. Ang ating priority pa rin, ‘yung primary priority ‘yung pag-vaccinate ng primary series,” pahayag ng kalihim sa isang panayam.
Aniya, sa ngayon ay nasa 59.1 milyong tao pa lang ang fully vaccinated habang 66.5 milyon ang naghihintay ng kanilang ikalawang dose ng bakuna.
Sinabi ni Año, sa National Capital Region (NCR) pa lamang, mayroon pa silang hinahanap na 565,880 unvaccinated people.
“Kung hindi natin sila uunahin, ‘yung bawat isang itinuturok nating mga booster ay kawalan ng opportunity para mabakunahan sa primary series,” paliwanag ng kalihim.
Dagdag niya, sa ngayon ay nasa 2.6 milyon pa lamang o 36% ang may booster shots sa NCR at kung gagawing requirement ang booster shots sa pagpasok sa establisimiyento, ang ekonomiya ang magdurusa rito.
“If we implement a no booster, no entry policy, our economy will suffer because only a few will be allowed in establishments,” paliwanag niya.
Nauna rito, iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na gawing requirement ang booster vaccination sa pagpasok sa mga establisimiyento sa Metro Manila. (ALMAR DANGUILAN)