BINALAAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya ang mga opisyal ng barangay na papatawan ng parusa kapag nabigong higpitan na panatilihin sa loob ng kanilang mga tahanan ang mga hindi pa bakunado kontra CoVid-19.
“‘Yung mga government officials po ay marami tayong pwedeng i-file riyan, maraming kasong puwedeng i-file — administratibo, kriminal, civil cases,” pahayag ni Malaya sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.
Ayon kay Malaya, kung hindi susunod ang mga ‘di- bakunado at patuloy na lumalabas ng kanilang mga tahanan ay maaaring arestohin ng mga opisyal ng barangay.
“Alam kong napapagod na rin sila pero ayon talaga ang tawag ng ating tungkulin. Kailangan nating gawin ‘yon para maisalba ang ating bansa sa mas mabigat ng problema dahil sa CoVid,” giit ni Malaya.
Dagdag ng opisyal, walang barangay officials sa Metro Manila ang tumatangging magpabakuna, pero karamihan sa kanila ay nananatiling ‘di-bakunado sa mga lalawigan dahil sa takot sa ‘zombie apocalypse’ at paniniwala sa kanilang relihiyon.
Una rito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng barangay officials na utusan ang kanilang mga nasasakupan na manatili sa loob ng bahay kung wala pang bakuna.
Magugunitang inaprobahan ng Metro Manila Council, na binubuo ng 17 NCR mayors, ang pagpapanatili sa kanilang mga tahanan ng mga indibidwal na hindi pa nababakunahan, maliban kung bibili ng essential goods at iba pang kinakailangang serbisyo habang nasa ilalim ng alert level 3 ang buong National Capital Region (NCR) na magtatagal hanggang 15 Enero 2022.
Nasa alert level 3 rin ang Bulacan, Cavite, at Rizal mula 3 Enero hanggang 15 Enero, habang ang Laguna ay isinailalim sa parehong alert level nitong 7 Enero hanggang 15 Enero. (ALMAR DANGUILAN)