NILALANGAW pa ang tanggapan ng treasury department ng mga city hall dahil sa muling pagdedeklara ng Alert Level 3 sa NCR sa patuloy na pagtaas ng CoVid-19 at Omicron variant sa bansa.
Apektado ang mga negosyante, ‘sakal’ na naman ang kanilang mga negosyo, partikular ‘yung mga restoran, karinderya at iba pa. Puro pa-assessment pa lamang kung magkano ang babayaran at posibleng nag-iisip din kung magpapatuloy ng negosyo dahil sa takot sa nakaambang Alert Level 4 sa NCR bunga ng patuloy na pagtaas muli ng CoVid-19 cases sa bansa.
Nakikiramdam, ‘yan ang palagay ng lahat, sa Alert Level 3 ay trenta porsiyento lamang ang kapasidad ng bawat restoran. Higit sa lahat takot lumabas ang mga tao, paano magte-take-out ng pagkain. Kaya pagkatapos ng holiday seasons, higpit sinturon na naman ang taongbayan.
Ang mga empleyado ng City Hall, skeletal system ngayon pero tuloy ang suweldo. Paano ‘yung iba pang namamasukan sa mga establisimiyentong “no work, no pay?”
Pinagbigyan ng gobyerno na mai-celebrate ang Kapaskuhan, na inabuso ng lahat. Siksikan sa pamimili, mga sosyalan, Christmas party, dagsa at siksikan ang mga tao sa malls. Heto ngayon ang resulta, balik sa dati.
Paano ang LGUs na ang pagbabayad ng business taxpayers ang inaasahang koleksiyon upang maisagawa ang iba’t ibang proyekto? Paano magkakaroon ng mga operational expenses kung ang pagbabayad ng buwis ng mga negosyante ay kakaunti? Inaasahan ito ng bawat LGU bukod sa pagbabayad ng real property tax.
Ang mga eskuwelahan, lalong naudlot ang face-to-face na pag-aaral, mga estudyante nag-aaral ng ‘di man lamang nakatatapak sa kanilang paaralan. Meron kaya talaga silang natutuhan?
Wala bang pangamba na pagdating ng araw ay maraming jobless na newly graduates? Dahil kulang sa kaalaman?
Sana matapos na ang paghihirap ng sambayanang Filipino na dulot ng CoVid-19. Kung kailan, walang makapagsasabi! Hangga’t may mga pasaway, hangga’t may mga hindi naniniwala sa CoVid-19, hindi matatapos ang problema.