FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MAPAGKUNWARI ang China, sa ilalim ni Xi Jinping, pagdating sa usapin ng pandaigdigang diplomasya. Noong nakaraang linggo, sa pahayag ni Xi sa 10-kasaping Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit, tiniyak niyang hindi magagawa ng Beijing na gipitin ang maliliit nitong kalapit-bansa sa rehiyon kaugnay ng agawan sa teritoryo, partikular na sa South China Sea.
Tinawag ni dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio ang sinabing ito ni Xi bilang “doublespeak” o iba ang sinasabi sa ginagawa. Pasintabi pero deretsahan ko nang sasabihin na nagsisinungaling ang presidente ng China. Gayundin ang bagong ambassador ni Xi sa Washington na si Qi Gang, na nagsabing walang intensiyon ang China na suwayin ang pandaigdigang sistema.
Ano ang tawag sa nangyari nitong 16 Nobyembre nang harangin ng mga barko ng Chinese Coast Guard, gamit ang water cannons, ang maliit na bangka ng mga sibilyang Filipino na maghahatid ng supplies at iba pang gamit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, na nasasaklawan ng exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas?
Kung hindi pa dumagsa ang mga pagpuna at pagkondena mula sa ibang bansa dahil sa insidente, hindi marahil mapipilitang mangako ang China na hindi na makikialam sa resupply mission. Sa kabila nito, ang ikalawang resupply mission ng mga bangka ng parehong grupo ng mga sibilyan ay tinakot ng Chinese Coast Guard nang magpadala ng maliit na rubber boat na may tatlong pasahero para kuhan ng video ang delivery.
Hindi ba pruweba ito ng pambu-bully? At hindi lang Filipinas ang dumanas ng parehong insidente. Hindi ba’t bullying din ang ginawa ng Chinese Coast Guard nang pigilan nito ang Vietnam sa pagkuha ng petrolyo at gas sa EEZ nito? Ganito rin ang kuwento ng panggigipit ng Coast Guard ng China sa Malaysian oil at gas companies na nagsagawa ng drilling sa sarili nitong EEZ.
Ginawa itong lahat ng China, na dati na ring sinabotahe ang katulad na exploration ng Filipinas nang tinakot ng Chinese Coast Guard ang Philippine commission ship habang nasa Reed Bank.
Paulit-ulit ang pagsisinungaling nina Xi at Qi na hindi binabalewala ng China ang umiiral na pandaigdigang sistema. Pero ang ginagawa nila ay maliwanag namang kabaliktaran ng kanilang sinasabi, walang duda, doon pa lang sa pagtanggi nilang kilalanin ang hatol ng Arbitral Tribunal na pumabor sa Filipinas at nagbasura sa kanilang nine-dash line na umaangkin sa halos buong South China Sea.
At taliwas sa pandaigdigang batas at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), China pa rin ang may lakas ng loob na magpasa ng batas na nag-aatas sa Coast Guard nito na gumamit ng armadong puwersa para ipatupad ang iginigiit nitong nine-dash line maritime territorial claims. Isa itong pagsasalegal ng panggigipit at pang-uudyok ng digmaan laban sa iba pang mga bansa na ang kani-kanilang EEZs at extended continental shelf ay saklaw ng South China Sea.
Kung totoo ang sinasabi nina Xi at Qi, dapat na sumang-ayon ang China sa UNCLOS at tumalima sa isang pangunahing multilateral treaty na binuo upang limitahan ang paggamit sa karagatan. Dapat makibahagi ang China sa tratado ng pagkakasundo sa overlapping maritime claims sa South China Sea kung totoong nais nitong respetohin ang umiiral na pandaigdigang sistema at, pinakaimportante, mapanatili ang kapayapaan sa pinaghahati-hatiang rehiyon na itinuturing nating lahat bilang ating tahanan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.