KABILANG si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga biker na sinita at tiniketan dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa ginanap na Cycle to End Violence Against Women bike event.
Si Mayor Belmonte at Cherie Atilano ng UN Food System Champions ay kabilang sa mga inaresto at tiniketan ng mga tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) dahil sa paglabag sa City Ordinance 2942-2021. Sila ay pinagmulta ng tig-P500 bawat isa.
Paliwanag ni Mayor Belmonte, isa sa biker na lumahok sa Cycle for VAW bike event ang napansin niyang walang helmet kaya ibinigay niya ang kanyang protective gear sa biker.
“I commend our DPOS for strictly implementing our ordinance kasi wala silang sinisino kapag nagpapatupad ng batas,” ani Mayor Belmonte.
Nabatid na naglunsad ang QC LGU, mga embahada ng Netherlands at Austria, Philippine Commission on Women, Spark Philippines, at ilang non-government organizations, ng Cycle to End VAW event upang gunitain ang 18-day campaign to end violence against women, maging ang ikatlong anibersaryo ng #RespetoNaman Movement.
Ang mga lumahok ay nagbisikleta sa bike lanes sa QC Hall, Elliptical road, hanggang Agham Road at pabalik.
“Through this event, we hope to spread awareness among the general public about the importance of protecting the rights of women and girls by addressing all forms of gender-based violence,” dagdag ng akalde at sinabing ang Quezon City ay ikinokonsiderang isa sa mga kampeon para sa pagtataguyod ng ‘gender rights’ sa bansa. (ALMAR DANGUILAN)