NAKAHANAP ng kakampi si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” sa inilabas na kautusan nitong Lunes na nagsasaad na hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa Maynila maliban kung ito’y sa ospital, o klinika.
Sa isang seremonya sa pagdating ng may 2.8 milyong doses ng Sputnik V CoVis-19 vaccine sa Villamor Airbase nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, hindi ‘null and void’ ang kautusan ni Moreno dahil may kapangyarihan aniya siyang gawin ito.
Ayon kay Año, base sa Section 16 ng Local Government Code, ang mga local chief executives ay maaaring maglabas ng ordinansa at executive orders para makapagbigay ng serbisyo at protektahan ang kanilang mga nasasakupan.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na ‘null and void’ ang kautusan ni Moreno na alisin na ang mandatory wearing ng face shield sa Maynila.
“Di naman null and void kasi ang ating mga local government units, the local chief executives, based doon sa ating Local Government Code, specifically Section 16, in order to provide service and protect people, puwede silang mag-enact ng mga ordinansa at executive orders,” paliwanag ni Año.
Unang sinabi ni Año na kahit si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay nagpalabas na rin ng kautusan na nag-aalis ng mandatory wearing ng face shields.
Sinabi ni Año, ang vaccination rate sa mga lungsod ng Maynila, Davao, at Iloilo ay mataas na at mababa na rin ang CoVid-19 risk.
“Look at Metro Manila now — Alert Level 2 at low risk na tayo ngayon. So puwede na ‘yang mga ganyan. Actually ikino-consider ‘yan sa IATF kaya lang kinapos lang ng time sa rami ng issues,” dagdag ng DILG chief.
Nanindigan rin si Mayor Isko sa kanyang kautusan at hinamon ang national government na dumulog sa hukuman kung talagang nais nilang ipatigil ito. (ALMAR DANGUILAN)