Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MARAPAT lang na hindi ituloy ang barangay and SK elections sa taon 2022. At ito ay pinipigilan ni Davao Oriental Rep. Joel Almario na kanyang ipinanukala sa Kamara, imbes idaos sa 6 May 2024.
Katwiran ni Rep. Almario, hindi naayon sa ating bansa na magsabay-sabay ang pagkakaroon ng mga bagong opisyal mula sa pangulo at local government units.
Ayon sa Kongresista, masyadong mabigat ang pressure sa paged-deliver ng governmental services at makadagdag pa ng pressure ang pagkakaroon ng SK at barangay elections. Higit sa lahat lubog na sa utang ang ating bansa dahil sa pandemyang dulot ng CoVid-19.
Hayaan muna natin makaahon ang bansa sa nangyaring pandemic, na posibleng matapos taon 2023.
***
Upang tuluyan nang makatakas ang publiko sa pandemic dulot ng CoVid-19, dapat lang na lahat ay magpabakuna. Kaya naman ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga business owners, pabakuhanan ang lahat ng kanilang empleyado at huwag papasukin ang mga hindi nagpabakuna.
Simple lang ang gusto ng Pangulo, upang sa gayon ay ligtas ang lahat sa CoVid-19.
Ang problema, marami ang hindi naniniwala sa bakuna, na hanggang ngayon ay marami pa rin na hinihintay madapuan ng virus. May mga pasaway talaga, na ang totoong dahilan ay takot sa heringgilya. Meron naman na may pilosopong katuwiran, hindi nila alam na ‘di sapat ang alcohol sanitizer, face mask, face shield, iba pa rin ang may bakuna, na sa sariling pamilya mo ay tiyak ang kaligtasan sa CoVid-19.
Kung bakit naman sadyang may mga taong nuknukan ng tigas ang mga ulo! Sa kabila ng paalala ng Pangulo at ng Department of Health (DOH) na magpabakuna ay ayaw talaga.
Kaya nagdesisyon ang Malacañang na “No vaccine no entry” na dapat ipatupad ng business owners.