BALARAW
ni Ba Ipe
NOONG nasa kolehiyo kami at nasa dalubhasaan ng kursong Sociology sa isang unibersidad sa downtown Manila (hindi kami nag-aral at nagtapos sa UP o Ateneo na akala ng ibang kaibigan), isa sa aming subject, o kurso, ang Sociology of Religion. Pinag-aralan ng aming klase ang papel ng relihiyon bilang bahagi ng paggalaw at pag-inog ng lipunan at kultura. Iba-iba ang konsepto ng relihiyon, sekta, at kulto. Magkakaiba ang mga konsepto ngunit hindi mahirap makilala ang bawat isa.
Pinakamalaki sa tatlo ang konsepto ng relihiyon, o “organized religion.” Ginamit rin namin ang konsepto ng “institutional religion,” o ang relihiyon na may matibay at establisadong doktrina o paniniwala, may nagpapatakbong burukrasya, may kilalang pinuno at tagapamahala na umuugit sa kanilang mga aktibidad, at may mga utos na dapat sundin ng mga kasapi.
Kasama sa organisadong relihiyon ang sistema ng gantimpala sa mga sumusunod sa doktrina at parusa sa mga hindi sumusunod. Langit para sa mga masunurin at impiyerno sa mga suwail sa mga utos. Halimbawa ng relihiyon ang Simbahang Catolico Romano na may kasaping 1.4 bilyon sa buong mundo, at Islam, maging Sunni o Shia. Mayroon mahigit 42,000 denominasyon ang maituturing na Kristiyano.
Nakapaloob sa mga relihiyon ang mga sekta, o grupo ng mga mananampalataya na may sariling katangian kahit sa kabuuan ay naaayon o hindi sa kanilang magulang na organisadong relihiyon. May mga sekta na dahil sa pagkakaiba ng kanilang paniniwala ay tuluyang humiwalay sa kanilang relihiyon. Ang iba ay nanatili.
Iba ang kulto sa organisadong relihiyon at sekta. Nakakita sila ng mga hindi pangkaraniwan at hindi katanggap-tanggap na mga paniniwala at kaugalian. Palaging lihis ang kanilang mga ginagawa sa mga nakaugaliang kostumbre at tradisyon.
Hindi tinatanggap ang mga kulto bilang bahagi ng mas malaki at mayaman na kultura. Palaging nasa labas sila ng mas masigabong kultura. May mga pagkakataon na itinuturing silang mga latak ng lipunan. Ibang-iba ang kanilang doktrina sa kabihasnan at may mga pagkakataon na may isang pinuno na may malakas na personalidad ang simbolo ng kulto.
Bagaman lapiang politikal ang Nazi Party, umiinog at naging kulto ito na ang debosyon ng maraming kasapi’y sa kanilang idolo na si Adolf Hitler. Sa ating bansa, nag-aagaw dilim kung ituturing na sekta o kulto ang Iglesia Ni Cristo. Hindi nalalayo ang kulto ni Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City na nagmamagaling bilang “anak ng diyos.”
Hindi maalis na mabahala ang maraming Pinoy sa mga sekta at kulto sapagkat pumasok sila sa larangan ng politika. Gamit ang pangalan ng Diyos at pag-aangkin na sila ang “sugo” ng Diyos upang iligtas ang bansa, pilit nilang iniimpluwensiyahan ang takbo ng politika sa bansa. Marami silang nabobola at totoong yumaman ang kanilang kaban dahil sa kontribusyon ng kanilang mga kasapi na ang malaking katangian ay ang kanilang kamangmangan.
Hindi bago sa kasaysayan ng bansa ang mga kulto. Kahit noong panahon ng mga mananakop na Kastila, isinilang ang ilang kulto ng pinaghalong paniniwala na halaw sa Kristiyanismo at kaugaliang pagano. Nang dumating ang mga Amerikano, ipinanganak ang ilang kilusang milenaryo na naghangad ng kalayaan sa kolonyalismo at kaligtasan sa langit.
Isang magandang halimbawa ang kulto ng Santa Iglesia na pinamunuan ni Felipe Salvador, o Apo Ipe. Maraming nahikayat na kasapi ang kulto at pinahirapan ang kolonyal na gobyernong Amerikano dahil naghangad ito ng kalayaan ng bansa. Sa mga kasapi, si Apo Ipe’y isang propeta. Mas tumingkad ang kanilang pananaw dahil nagpahaba ng buhok at balbas si Apo Ipe at nagsuot ng mga damit katulad ng mga propeta sa Biblia.
Hindi nalalayo si Dionisio Magbuela na idineklara ang sarili bilang Papa Isio. Katulad ni Apo Ipe na may maraming tagasunod sa Gitnang Luzon, sumikat si Papa Isio sa isla ng Negros. Tinutulan niya ang kolonyalismo ng Espanya at Estados Unidos. Tumigil ang panliligalig ng kanyang pangkat noong 1907 nang nasakote siya ng isang operasyon ng mga sundalong Amerikano. Namatay sila sa Bilibid sa Maynila noong 1977.
Maraming kulto na dumakila kay Jose Rizal. Kasama ang Watawat ng Lahi na may pinaghalong turo ni Rizal at aral ng Kristiyanismo. Hindi nila ginambala ang gobyerno kaya hinayaan lamang sila. Iba ang kaso ng Lapiang Malaya na pinamunuan ni Valentin delos Santos, isang karismatikong lider na nagtatag ng Lapiang Malaya noong mga 1940.
Ginimbal ang bansa noong lumabas ang mga 300 kasapi ng kulto at nagdaos ng kilos politikal upang agawin ang kapangyarihan kay Ferdinand Marcos noong 1967. Nilusob ng mga kasapi na karamihan ay mga magsasaka, ang mga sundalong humarang sa kanila sa lansangan ng Maynila. Binaril ang mga demonstrador na kasapi at namatay ang 33 at nasugatan ang 47. Itinuturing na masaker ang nangyari sa kanila.