INARESTO ng pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Batasan Police Station (PS-6) ang isang bigtime drug pusher makaraang makompiskahan ng P6.9 milyong halaga ng shabu sa isang buy bust operation sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni P/Lt. Col. Alexy Sonido, PS-6 station commander, ang suspek na si Mohammad Bocua, 27 anyos, at residente sa Brgy. Espiritu Santo, sa lungsod.
Batay sa ulat, tatlong impormante ang nagsumbong sa ilegal na gawain ng suspek kaya agad nagkasa ng buy bust operation ang mga awtoridad dakong 6:10 om, nitong 24 Oktubre, sa parking lot 2, Ever Gotesco Mall, Commonwealth Branch , Brgy. Batasan Hills.
Isang asset ng mga awtoridad ang bumili ng P1,000 halaga ng shabu kay Bocua at nang magkaabutan, dinakip ang suspek.
Bukod sa buy bust money, nakompiska rin kay Bocua ang 1000 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,900,000 at isang cellular phone na ginamit sa transaksiyon ng droga.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek. (ALMAR DANGUILAN)