Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
LINTIK din ang diskarte ng TODA sa San Antonio Valley 1 sa lungsod ng Parañaque, hindi na kontento sa halagang P32 pasahe hanggang City Hall ng Parañaque na wala pang isang kilometro ang layo. Bawal pa ang mag-asawa na isakay nang sabay sa loob ng traysikel.
Kailangan ay sumakay ng ibang traysikel sa pila si misis o si mister na kailangan din ay magbayad ng kanyang pasaheng P32!
Dios mio! Mag-asawa ‘di puwedeng magsabay? E sa kama nga magkatabi!
Nakapanayam ng inyong lingkod ang ilang traysikel drayber, sa kanilang saloobin, hindi raw nila gusto ang sistemang solong-solo ang pasahero, bawal magsabay ang magkapatid, mag-asawa o magnobyo. Ito ang direktiba ng mga opisyal ng San Antonio Valley 1 Tricycle Driver’s Association sa pamumuno ng kanilang Presidente na si Marcelino Cabiao, na umano’y Pangulo din ng Pederasyon ng TODA sa lungsod ng Parañaque.
Ibinulgar din na bawat solong pasahero ay P32 ang pasahe, P1 ay napupunta sa kaban ng asosasyon, at P15 sa drayber.
Mabuti pa ang pampasaherong jeep may harang na plastic cover ang bawat upuan pero walang tanong kung mag-asawa o magkasama sa bahay samantala ang traysikel sa SAV 1 ay back to back ang pasahero. Pero ‘di puwede ang dalawa katao kahit mag-asawa pa?!
Napakasuwapang naman ng SAV 1 TODA bulong ng isang pasahero.
Upang malaman kung may katotohanan ang sumbong ng nakararaming pasahero, umakto ang inyong lingkod na pasahero ng traysikel at doon sa pila o terminal, kapansin-pansin ang pagtatalo ng isang barker o tagatawag ng pasahero dahil ayaw pumayag na magsama sa isang traysikel ang mag-asawa, dapat daw ay isa lang. Dahil sa aking nasaksihan, napatunayan ko na totoo pala ang kasuwapangan ng SAV 1 TODA.
Marapat sigurong aksiyonan ito ni Mayor Edwin Olivarez ‘di porke mag-eeleksiyon ay kokonsintihin ito. Pumapalag ang mga miyembrong drayber sa direktiba ni Marcelino Cabiao at ng mga opisyal ng TODA!
Maging mga empleyado ng City hall ay nagtitiyaga na lamang maglakad dahil sa mahal ng pasahe na dati ay P9 lamang na apat hanggang lima ang pasahero. Pero dahil pandemic, solo-solo na lang o special ride na lamang.
Panawagan ng mga pasahero kay Meyor Olivarez, “Meyor, sana aksiyonan mo ang taas-singil ng traysikel na bumibiyahe papuntang City Hall!”